Ebanghelyo: Lucas 9:18-22
Minsan, mag-isang nagdarasal si Jesus at naroon din ang mga alagad. Tinanong niya sila: “Sino raw ako ayon sa sabi ng mga tao?” Sumagot sila: “Si Juan Bautista raw; may iba namang nagsasabing ikaw si Elias at may iba pang nagsasabi na isang propeta noong una ang nabuhay.” At sinabi ni Jesus sa kanila: “Ano naman ang sinasabi ninyo kung sino ako?” Sumagot si Pedro: “Ang Mesiyas ng Diyos.” At inutusan sila ni Jesus na huwag sabihin ito kaninuman. Sinabi nga ni Jesus: “Kailangang magtiis ng marami ang Anak ng Tao. Itatakwil nga siya ng mga Matatanda ng bayan, ng mga punong-pari at ng mga guro ng Batas. Papatayin siya at muling babangon sa ikatlong araw.”
Pagninilay
“Ang Mesiyas ng Diyos.” “Ano naman ang masasabi ninyo kung sino ako? Sumagot si Pedro: “Ang Mesiyas ng Diyos!” Dinala ni Jesus ang mga alagad
sa siyudad ng Cesario ni Filipos. Doon maraming mga rebulto ng mga diyos-diyusang Romano. Sa gitna ng mga estatwang ito, nais malaman ni Jesus kung ano ang pagkakilala nila sa kanya. “Ayon sa mga tao, sino ako?” Sumagot sila, “sabi nila ikaw si Elias, ang iba ay nagsabi na ikaw si Juan Bautista o isa sa mga propeta.” Direktang tinanong ni Jesus ang mga alagad: “Ano naman ang masasabi ninyo kung sino ako?” At sa ngalan ng mga alagad, sumagot si Simon: “Ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos na buhay!” Pinuri ni Jesus ang tugon ni Simon at binigyan ng bagong pangalan, “Simula ngayon, ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito, itatayo ko ang simbahan!” Ang simbahang Katolika ay itinayo sa pagpapahayag at pananalig ni Pedro na si Jesus nga ang Kristo, ang Pinahirang Tagapagligtas! Kapatid, para sa iyo, sino si Jesus?
© Copyright Pang Araw-araw 2025




