Ebanghelyo: Lucas 13:10-17
Nagtuturo siya sa isang sinagoga sa Araw ng Pahinga, at may isang babae roon. Labingwalong taon na siyang may espiritung nagbibigay-sakit; nagkakakandakuba na siya at di makatingala. Pagkakita sa kanya ni Jesus, tinawag siya nito at sinabi: “Babae, lumaya ka sa iyong sakit.” Ipinatong nito sa kanya ang mga kamay at agad na nakatayo nang tuwid ang babae at nagpuri sa Diyos. Nagalit ang pangulo ng sinagoga dahil nagpagaling si Jesus sa Araw ng Pahinga kaya sinabi niya sa mga tao: “May anim na araw para magtrabaho kaya sa mga araw na iyon kayo pumarito para mapagaling, hindi sa Araw ng Pahinga!” Sinagot siya ng Panginoon: “Mga mapagkunwari, hindi ba kinakalagan ng bawat isa sa inyo ang kanyang baka o asno mula sa sabsaban nito sa Araw ng Pahinga at inilalabas para painumin? At isang babae naman ang narito na anak ni Abraham na labingwalong taon nang iginapos ni Satanas. Di ba siya dapat kalagan sa Araw ng Pahinga?” Napahiya ang lahat niyang kalaban pagkarinig sa kanya
pero nagalak naman ang mga tao sa lahat ng kahangahangang ginagawa
ni Jesus.
Pagninilay
“Tayo’y pinalaya sa kasalanan.” Kailan nga ba tayo nagiging isang alipin? Maraming bagay ang nang-aalipin sa tao. Maaaring maging alipin tayo ng kayamanan. May mga pagkakataong inaalipin tayo ng kapangyarihan, maliit man o malaki. Alipin ng “cellphone o internet”. Gayun din, ang kasikatan ay isa ring realidad na pwedeng umalipin sa tao. Subalit ang pinakamabigat na maaaring umalipin sa atin ay ang kasalanan. Nagiging alipin tayo ng kasalanan na nagbubunsod sa ating maging malayo sa Diyos at nagpapabigat sa ating kalooban. Bagamat nariyan ang pangaalipin
ng kasalanan, kay buti ng Diyos. Siya pa rin ang nagbibigay sa atin ng kalayaan mula sa mga kasalanang ito. Ang Diyos ang lumalapit sa atin upang tayo ay pagalingin at palayain sa tanikala ng kasalanan. Kaya
itinalaga niya ang Sakramento ng Kumpisal upang maramdaman natin ang Kanyang pagnanais na tayo ay palayain mula sa ating mga kasalanan na paulit-ulit na umaalipin sa atin. Nawa’y huwag tayong mag-atubiling lumapit sa Diyos upang tayo’y Kanyang mapalaya sa kasalanan. Katulad
ng babaeng labingwalong taong inalipin ng masamang espiritu, maging bukas nawa ang ating kalooban sa pagpapalaya at pagpapagaling ng Panginoong Jesus, na walang tanging hangad kundi ang ating kabutihan.
© Copyright Pang Araw-araw 2025





