Ebanghelyo: Lucas 21:5-19
May ilan namang nag-uusap tungkol sa Templo, at sinabi nila na may magagandang bato ito at mamahaling palamuti. Sinabi naman ni Jesus: “Darating ang mga araw na walang matitirang magkapatong na bato sa lahat ng inyong nakikita; iguguho ang lahat.” Nagtanong sila sa kanya: “Guro, kailan ito mangyayari at ano ang tanda na sumapit na ito?” Sumagot si Jesus: “Mag-ingat kayo at baka kayo madaya. Maraming aangkin sa aking pangalan sa pagsasabing ‘Ako ang Mesiyas; ako siya,’ at ‘Palapit na ang panahon.’ Huwag kayong sumunod sa kanila. Sa pagkabalita ninyo sa digmaan at mga kaguluhan, huwag kayong maligalig; mangyayari muna ito pero hindi pa ito ang wakas.” At sinabi niya sa kanila: “Magdidigmaan ang mga bayan at maglalaban-laban ang mga kaharian. Magkakaroon din ng malalakas na lindol sa maraming lugar, magkakaroon ng tag-gutom, magkakaroon ng mga kakila-kilabot na bagay at ng malalaki ring kababalaghan sa langit. Pero bago sumapit ang lahat ng ito, dadakipin kayo at uusigin; ibibigay kayo sa mga sinagoga at dadalhin sa mga kulungan at ihaharap sa mga hari at mga gobernador dahil sa aking pangalan. Sasapit ito sa inyo para makapagpatotoo kayo sa akin. Isaisip ninyo na huwag ikabalisa ang pagtatanggol sa inyong sarili dahil ako mismo ang magbibigay sa inyo ng mga salita at karunungang di matatagalan o masasagot ng lahat ninyong kaaway. Ipagkakanulo kayo ng inyong mga magulang, mga kapatid, mga kamag-anak at mga kaibigan, at papatayin nila ang ilan sa inyo. At kamumuhian kayo ng lahat dahil sa aking pangalan. Subalit hindi maaano isa mang buhok sa inyong ulo. Sa inyong pagpapakatatag, ang mga sarili ninyo mismo ang inyong makakamit.
Pagninilay
“Sundin ang kalooban ng Diyos.” Sino ang pinaglalaban mo? Hawig ito sa tanong sa commercial ng isang kilalang brand ng kape, nagpapahayag na sa pagbangon natin sa umaga mayroon tayong pinag-aalayan ng ating buhay, isang rason kung bakit may gana pa rin tayong mabuhay. Maaaring ito ay ang ating pamilya, o kahit sinong mahal natin sa buhay. Sa ating Mabuting Balita, marami tao ang nagsasabi na si Jesus ang Mesiyas subalit naandiyan ang babala na kalakip ng pananalig na ito ay ang paghihirap at pag-uusig. Ito ay bahagi ng pananampalataya kay Kristo, ng pagsasabi na si Jesus ay ipinaglalaban mo. Ngunit sinabi rin ng Panginoon na sa gitna ng mga ito hindi dapat tayo mabalisa. Magtiwala lamang tayo sa kanya, tayo ay ipagtatanggol niya. Sa ating buhay, maraming pagsubok ang dumadating sa atin. Maraming laban ang ating hinaharap, mga desisyon na kailangan gawin, mga problema na dapat solusyunan. Wala mang pagdanak ng dugo, ang mga ito ay sumusubok sa ating pananampalataya sa Diyos. Naandiyan pa rin ang hamon na tayo ay manatiling tapat at nananalig sa kanya. Hamon pa rin ang sundin ang kalooban ng Diyos kahit sa panahon ng kagipitan. Magagawa lamang natin ito kung buo ang ating pagtitiwala na hindi niya tayo pababayaan.
© Copyright Pang Araw-araw 2025





