Ebanghelyo: Lucas 18:35-43
Nang malapit na si Jesus sa Jerico, may isang bulag doon na nakaupo sa tabi ng daan at nagpapalimos. Nang marinig niya ang maraming taong nagdaraan, itinanong niya kung bakit. At may nagsabi sa kanya: “Sina Jesus na taga- Nazaret ang dumaraan.” Kaya sumigaw siya: “Jesus, Anak ni David, maawa ka sa akin.” Pinagsabihan siya at pinatahimik ng mga nauuna pero lalo naman niyang nilakasan ang sigaw: “Anak ni David, maawa ka sa akin.” Kaya tumigil si Jesus at ipinadala ang bulag sa kanya, at nang malapit na ay itinanong: “Ano’ng gusto mong gawin ko sa iyo?” Sinabi nito: “Panginoon, makakita sana ako.” At sinabi ni Jesus: “Manumbalik ang paningin mo, iniligtas ka ng iyong pananalig.” Agad siyang nakakita at niluluwalhati ang Diyos na sumunod kay Jesus. At nagpuri rin sa Diyos ang lahat ng nakakita rito.
Pagninilay
“Hindi pa rin siya nawalan ng pag-asa.” Naniniwala ka ba na may milagro? Sa ating Mabuting Balita, makikita natin na sa Jerico ay mayroong isang bulag. Sa pagdaan ni Jesus sa harap niya, lubos siyang nagmakaawa at humiling na sana ay makakita na siya. Salamat sa Diyos napansin siya ni Jesus! Sa ating buhay, kung minsan ang bilis nating mawalan ng pag-asa. Madalas nating sinasabi sa ating sarili o kahit sa iba, na “Wala na akong pag-asa, ganito na lamang ako. Hindi na ako magbabago. Hanggang dito na lang ako.” Pero kung ating babalikan ang Ebanghelyo, kahit na matagal nang bulag ang lalaki, hindi pa rin siya nawalan ng pag-asa, at nagkaroon siya ng pagkakataon na makatagpo si Jesus. Ito ay paalala sa atin na huwag mawalan ng pag-asa. Kailangan lamang natin na laging hanapin ang mga pagkakataon na makita at makatagpo ang Diyos sa ating buhay, dahil kapag nakatagpo natin siya, siya ang magbibigay lunas sa anumang kapansanan
natin sa katawan man o sa kaluluwa. Ano-ano ang mga pagkakataon sa ating buhay na nabaliwala natin ang pagdaan ng Diyos? Ano-ano ang mga nagiging sagabal sa ating pagkakita sa mga ginagawa ng Diyos sa ating buhay?
© Copyright Pang Araw-araw 2025





