Ebanghelyo: Lucas 23:35-43
Naroon ang mga tao na nakatingin. Pinagtatawanan naman siya ng mga pinuno: “Nailigtas niya ang iba, iligtas din niya ngayon ang kanyang sarili kung siya ang Kristo, ang Hinirang.” Pinagtawanan din siya ng mga sundalong lumapit para painumin siya ng alak na may halong suka. Sinabi nila: “Kung ikaw ang Hari ng mga Judio, iligtas mo ngayon ang iyong sarili.” May nakasulat nga sa wikang Griyego, Latin at Hebreo sa kanyang ulunan: “Ito ang Hari ng mga Judio.” Ininsulto rin siya ng isa sa mga kriminal na nakapako sa krus: “Di ba’t ikaw ang Kristo? Iligtas mo ang iyong sarili pati kami.” Pero pinagsabihan ito ng isa pang kriminal: “Wala ka bang pitagan sa Diyos, ikaw na gayon ding pagdurusa ang dinaranas? At bagay ito sa atin sapagkat tinatanggap lamang natin ang nararapat sa ating mga ginawa. Ngunit wala naman siyang nagagawang masama.” At sinabi pa niya: “Jesus, alalahanin mo ako pagdating mo sa iyong kaharian.” Sumagot si Jesus: “Talagang sinasabi ko sa iyo: sa araw ring ito, makakasama kita sa Paraiso.”
Pagninilay
“Ipailalim sa Kanyang paghahari ang ating mga puso.” Ibinibigay sa atin ng Mabuting Balita sa kapistahang ito ang tagpo ng Huling Paghuhukom kung saan pagbubukurin ni Jesus ang matutuwid at ang masasama. Ano ba ang pangyayaring ito? Maaaring nating sabihin na ito ay ang pagbubunyag ng nilalaman ng puso ng mga tao. Ang matutuwid at ang masasama ay kapwa nagtanong ng dahilan ukol sa hatol sa kanila, at tumugon naman ang Panginoon sa pamamagitan ng pagpapamalas ng kabutihan na kanilang ginawa o di ginawa, at sa gayon nabunyag ang kadalisayan o karumihan ng kanilang puso. Pero paano ba nagiging dalisay o madumi ang puso ng isang tao? Hindi ito nagaganap sa isang araw lamang. Sa halip, ito ay bunga ng maraming desisyon na ginawa niya sa kanyang buhay para o laban sa
kabutihan. Sa araw na ito, suriin natin ang ating mga puso. Kumusta na ba ito? Ano na ba ang estado nito? Unti-unti ba itong dumadalisay o unti-unting nababahiran ng karumhan. Ano man ang estado ng ating puso, ngayong kapistahan ng Kristong Hari, muli nating ipailalim sa kanyang paghahari ang ating puso, ang ating buhay, nang sa kanyang biyaya ito ay maging dalisay at sa huli mapabilang tayo sa mga makakapasok sa kanyang kaharian.
© Copyright Pang Araw-araw 2025





