Ebanghelyo: Lucas 21:12-19
Pero bago sumapit ang lahat ng ito, dadakipin kayo at uusigin; ibibigay kayo sa mga sinagoga at dadalhin sa mga kulungan at ihaharap sa mga hari at mga gobernador dahil sa aking pangalan. Sasapit ito sa inyo para makapagpatotoo kayo sa akin. Isaisip ninyo na huwag ikabalisa ang pagtatanggol sa inyong sarili dahil ako mismo ang magbibigay sa inyo ng mga salita at karunungang di matatagalan o masasagot ng lahat ninyong kaaway. Ipagkakanulo kayo ng inyong mga magulang, mga kapatid, mga kamag-anak at mga kaibigan, at papatayin nila ang ilan sa inyo. At kamumuhian kayo ng lahat dahil sa aking pangalan. Subalit hindi maaano isa mang buhok sa inyong ulo. Sa inyong pagpapakatatag, ang mga sarili ninyo mismo ang inyong makakamit.
Pagninilay
“Pagyakap at pagbuhat sa krus.” Madalas nating marinig sa mga tao: Bakit nga ba kung sino pa ang naglilingkod sa Simbahan ay sila pa ang may mabibigat na pinagdadaanan sa buhay? Tunay na ang pagsunod sa kalooban Diyos ay nangangahulugan ng malalim na pagbibigay ng buong sarili sa Panginooon at paggawa ng mga bagay na makalangit gaya ng sakripisyo. Marami sa atin ang nagsisikap na maging kabahagi ng mga gawaing pang-Simbahan. May mga taong nagiging daan para maihatid ang Mabuting Balita ng Diyos sa mga tao. Mayroon din namang mga taong bukaspalad, tumutulong sa kanyang kapwa na hindi naghihintay ng kapalit, ang nais lamang ay ang makatugon sa pangangailangan ng kanyang kapatid. Sa kabila ng mga ganitong maka-langit na gawain ay tila hindi parin ligtas ang mga taong ito sa paniniil at paninira ng ibang tao. Maliwanag na sinasabi ng Mabuting Balita na maraming pag-uusig na magaganap sa mga taong nagsisikap na sumunod sa yapak ng ating Diyos. Subalit ito ang hamon ng Panginoon: kung tunay na nais nating sumunod kay Kristo, kaakibat nito ay ang pagyakap at pagbuhat din sa krus. Subalit walang dapat na ipag-alaala sapagkat ang Diyos ay nariyan upang tayo ay iligtas.
© Copyright Pang Araw-araw 2025





