Ebanghelyo: Lucas 21:29-33
At sinabi ni Jesus sa kanila ang isang talinhaga: “Tingnan ninyo ang punong-igos at ang ibang mga puno. Pagkakita ninyong nagdadahon na ang mga ito, alam ninyong malapit na ang tag-init. Gayundin naman, pag napansin ninyo ang mga ito, alamin ninyong malapit na ang paghahari ng Diyos. Talagang sinasabi ko sa inyo na hindi lilipas ang salinlahing ito at mangyayari ang lahat ng ito. Lilipas ang langit at lupa ngunit hindi lilipas ang aking mga salita.
Pagninilay
“Maging sensitibo sa mga tanda.” Tunay na ang ating Panginoon ay ang Diyos ng buong sangnilikha. Siya ang simula ng lahat at ang magiging katapusan din ng lahat. Ipinapakita sa atin ng Mabuting Balita na ang Diyos ang may kontrol sa lahat ng bagay dito sa lupa at magandang panghawakan ang katotohanang ito sapagkat mas nalalaman natin na lalo tayong dapat magtiwala sa kakayahan at kapangyarihan ng ating Panginoong Diyos. Magandang malaman na mayroon ding ipinakikitang senyales o tanda ang ating Panginoon kahit sa pinaka-ordinaryong karanasan natin sa ating buhay. Sa bawat araw na tayo ay gumigising, ito ay tanda ng panibagong pagkakataon upang mas lalong gawing makabuluhan ang ating buhay. Sa mga biyaya na ating tinatanggap, ito ay tanda na tinatawag tayong tumugon sa pangangailangan ng mga taong kapos-palad. Kung minsan ang mga maliliit na tandang ito ay atin lamang binabalewala at hindi binibigyang halaga. Kaya isang magandang paalaala sa atin na dapat tayong maging sensitibo sa mga tanda at mensahe ng Diyos sa bawat araw upang ang mga ito ay magsilbing ating gabay upang makapamuhay ayon sa kalooban ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-araw 2025





