Ebanghelyo: Lucas 1:26-38
Sa ikanim na buwan, isinugo ng Diyos ang Anghel Gabriel sa isang bayan ng Galilea na tinatawag na Nazaret. Sinugo ito sa isang birhen na ipinagkasundo na sa isang lalaking nagngangalang Jose mula sa sambahayan ni David; at Maria naman ang pangalan ng birhen. Pumasok ang anghel at sinabi sa kanya: “Matuwa ka, O puspos ng grasya, sumasaiyo ang Panginoon.” Nabagabag naman si Maria dahil sa pananalitang ito at pinagwari kung ano ang pagbating ito. At sinabi ng anghel sa kanya: “Huwag kang matakot, Maria, dahil may magandang niloloob ang Diyos para sa iyo. At ngayo’y maglilihi ka at manganganak ng isang lalaki na panga-ngalanan mong Jesus. Magiging akila siya at tatawagin siyang Anak ng Kataas-taasan, at ibi-bigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang ninunong si David. Maghahari siya sa angkan ni Jacob magpakailanman; talaga ngang walang katapusan ang kanyang paghahari.” Sinabi ni Maria sa anghel: “Paanong mangyayari ito gayong di ako ginagalaw ng lalaki?” At sumagot sa kanya ang anghel: “Papanaog sa iyo ang Espiritu Santo at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan kaya magiging banal ang isisilang at tatawaging Anak ng Diyos. At nagdalantao naman ngayon ang pinsan mong si Elizabeth sa kabila ng kanyang katandaan, at siyang itinuturing na baog ay nasa ikaanim na buwan na. Wala ngang imposible sa Diyos.” Sinabi naman ni Maria: “Narito ang utusan ng Panginoon, mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi.” At nilisan siya ng anghel.
Pagninilay
“Magtiwala sa plano ng Diyos.” Ngayon ay nabasa natin sa Ebanghelyo kung paano nangyari ang kapanganakan ni Jesus. Ito ay isang kwentong narinig na natin nang paulit-ulet. Ang pagiging pamilyar sa Ebanghelyong ito ay maaaring dahilan upang hindi maglaan ng oras upang makinig nang mabuti sa mensahe nito. Maglaan ng sandali at isipin kung anong iniisip at emosyon ang naranasan ni Maria ng sabihin ng anghel na Siya’y magdadalang tao, ang kuwento niyang sasabihin ay hindi kapani-paniwala sa mga tao! Nang sabihin ni Maria kay Jose, na siya’y buntis, iniisip ko kung ano ang unang reaksyon ni Jose, natural na naisip niyang nagtaksil ito? At nagpakita kay Jose ang anghel ng Diyos sa panaginip. Si Jose ay nabigla at nalito sa lahat ng mga kakaibang pangyayaring ito. Sa kabila ng hindi kapani-paniwalang mga pangyayari, Siya’y nagkaroon ng pananampalataya at pagtitiwala sa Diyos at kay Maria. Paano tayo magre-reak kapag nahaharap tayo sa mga pangyayari o mga sitwasyong nakalilito o nakakatakot sa atin? Patuloy ba tayong magtitiwala sa Diyos? O lalayo tayo sa Diyos at mawawalan ng pag-asa? Anuman ang ating reaksiyon, hindi umaalis sa ating tabi ang mapagmahal na Diyos. Kung paanong kasama ng Diyos sina Jose at Maria sa kakaiba at nakakalito na panahong ito, ginagabayan tayo ng Diyos at binibigyan tayo ng lakas na kailangan natin.
© Copyright Pang Araw-araw 2025




