Ebanghelyo: Mateo 1:18-24
Ganito ipinanganak si Jesucristo. Ipinagkasundo na kay Jose ang kaniyang inang si Maria pero bago sila nagsama bilang mag-asawa, nagdadalantao na siya gawa ng Espiritu Santo. Kaya binalak ni Jose na hiwalayan nang lihim ang kanyang asawa. Matuwid nga siya at ayaw niya itong mapahiya. Habang iniisip-isip niya ito, napakita sa kanya sa panaginip ang Anghel ng Panginoon at sinabi: “Jose, anak ni David, huwag kang matakot na tanggapin si Maria bilang iyong asawa. Gawa ng Espiritu Santo kaya siya naglihi, at manganganak siya ng isang sanggol na lalaki, na pangangalanan mong Jesus sapagkat siya ang magliligtas sa kanyang sambayanan mula sa kanilang mga kasalanan.” Nangyari ang lahat ng ito para matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng Propeta: “Maglilihi ang birhen at magsisilang ng isang sanggol na lalaki at tatawagin nila siyang Emmanuel na ibig sabihi’y Nasa-atin-ang-Diyos.” Kaya pagkagising ni Jose, ginawa niya ang sinabi ng Anghel ng Panginoon at tinanggap niya ang kanyang asawa.
Pagninilay
“Sundin ang kalooban ng Diyos.” Minsan, tayong mga tao akala natin ang ating mga desisyon ay naaayon sa kagustuhan o kalooban ng ating Diyos. Minsan nga sobrang proud tayo sa ating nagagawang mabuti’t pagtulong sa kapwa. Gusto nating mapuri ng tao na nagawan natin ng mabuti. At sa Ebanghelyo ngayon, napakinggan natin na hiniwalayan ng palihim ni Jose si Maria. Bakit? Dahil nalaman niyang nagdadalang-tao ito sapagkat dati kapag ikaw ay nagdadalang-tao na hindi ka pa kasal ikaw ay makasalanan. Pero, kay Jose, hindi sarili ang kanyang iniisip kundi ang kapakanan ni Maria. Siguro nasa isip ni Jose na makakabuti ito sa kanila ni Maria. Ngunit ang Anghel ng Panginoon ay nagpakita sa kanya sa panaginip at sinabi na kailangan niyang balikan si Maria sapagkat siya ang magiging Ama ng anak ni Maria. Dahil tapat na lingkod ng Diyos si Jose, sinunod niya ang sinabi ng Angel bumalik ito Kay Maria at inanggap nya ito ng buong puso. Tanong ko po sa inyo? Paano natin nalalaman na sinusunod natin ang kalooban ng Diyos at hindi natin sinusunod ang ating kagustuhan? At sa puntong ito, patuloy tayong humingi ng patnubay Kay San Jose na matanggap natin ang kagustuhan ng Diyos at huwag ang ating kagustuhan.
© Copyright Pang Araw-araw 2025




