Ebanghelyo: Juan 20:1a at 2-8
Ngayon, pagkatapos ng Araw ng Pahinga, habang madilim pa, maagang pumunta sa libingan si Maria Magdalena, nang makita niyang tanggal ang bato mula sa libingan, patakbo siyang pumunta kay Simon Pedro at sa isa pang alagad na mahal ni Jesus. Sinabi niya sa kanila: “May kumuha sa Panginoon mula sa libingan, at hindi namin alam kung saan nila siya inilagay.” Kaya lumabas si Pedro at ang isa pang alagad, at pumunta sa libingan. Sabay na tumakbo ang dalawa. Ngunit mas mabilis tumakbo kay Pedro ang isa pang alagad, at unang nakarating sa libingan. Pagkayuko niya’y nakita niyang nakalatag ang
mga telang linen pero hindi siya pumasok. Dumating namang kasunod niya si Simon Pedro, at pumasok sa libingan. Napansin niya ang mga telang linen na nakalatag, at ang panyo namang nakatalukbong sa ulo niya ay di kasama sa mga telang linen na nakalatag kundi hiwalay na nakabilot sa mismong lugar nito. Pumasok noon ang isa pang alagad, ang
unang nakarating sa libingan, at nakita niya at
siya’y naniwala.
Pagninilay
“Alagad na iniibig ni Jesus.” Sa unang pagbasa, ipinapakita ang dakilang pag-usbong ni Jesus bilang Salita ng Diyos na nagdadala ng buhay at ilaw sa sanlibutan. Makikita natin ang kaugnayan nito sa ebanghelyo sa kwento ni Maria Magdalena noong tumakbo siya papunta sa libingan ni Jesus. Dito, si San Juan, isang malapit na alagad ni Jesus, ay punong-puno ng pagmamahal sa Salita ng Diyos na si Jesus. Siya‘y mayroong malapit na ugnayan sa kanya. Siya ay kilala bilang “alagad na iniibig ni Jesus”. Isa siyang saksi sa mga pangyayari sa buhay ni Jesus, kasama na ang kanyang mga turo, pagkamatay, at muling pagkabuhay. Dahil dito, inilahad niya ang kaharian at pag-ibig ng Diyos sa pamamagitan ng pagsulat niya ng Mabuting Balita. Maaari nating tularan ang pananampalataya ni San Juan at ang kanyang malapit na ugnayan kay Jesus. Sa kabila ng mga kaguluhan at hamon ng mundo, ang pagiging malapit kay Jesus sa pamamagitan ng palagiang pagdarasal, pagsusuri ng Banal na Kasulatan, at masiglang pananampalayata ang magbibigay liwanag sa ating landas. Kagaya ni San Juan, tayo rin ay inaanyayahan na maging saksi at tagapagdala ng Mabuting Balita na naglalayong magdala ng ilaw at buhay sa mga taong naguguluhan at naghihintay ng pag-asa sa ating Panginoon.
© Copyright Pang Araw-araw 2025




