Ebanghelyo: Juan 1:1-18
Sa simula’y naroroon na nga ang Wikang Salita, at naroroong kaharap ng Diyos ang Salita, at Diyos ang Salita. Naroroon na nga siyang kaharap ng Diyos sa simula. Sa pamamagitan niya nayari tanang mga bagay, at hiwalay sa kanya’y walang anumang nayari. Ang niyari ay sa kanya nagkabuhay, at ang buhay ang liwanag para sa mga tao. Nagningning sa karimlan ang liwanag at di ito nasugpo ng karimlan. May taong sugo ang Diyos Juan ang kanyang pangalan. Dumating siya para sa pagpapatunay, para magpatunay tungkol sa Liwanag, upang makapanalig ang lahat sa pamamagitan niya. Hindi siya mismo ang Liwanag, kundi para magpatunay tungkol sa Liwanag. Pagkat paparating noon sa mundo ang Liwanag na totoo na siyang nagliliwanag sa bawat tao. Nasa mundo na nga siya, ang mundong nayari sa pamamagitan niya, at di naman siya kinilala ng mundo. Sa sariling kanya siya dumating at hindi siya tinanggap ng mga kanya. Ngunit sa lahat ng tumanggap sa kanya sa pananalig sa kanyang Pangalan, binigyang-kakayahan nga niya sila na maging mga anak ng Diyos. Ipinanganak nga sila, hindi mula sa dugo, ni mula sa kagustuhan ng laman, ni sa kagustuhan ng lalaki kundi mula
sa Diyos. At naging laman ang Wikang-Salita, at itinayo ang kanyang Tolda sa atin, at nakita natin ang kanyang Luwalhati, Luwalhating mula sa Ama na bagay sa bugtong na Anak, lipos ng Kagandahang-loob at Katotohanan. Nagpapatunay sa kanya si Juan at isinisigaw: “Siya ang sinabi kong ‘Nauna na sa akin ang dumating na kasunod ko, pagkat bago ako’y siya na’.” Mula sa kanyang kapuspusan nga tumanggap tayong lahat oo, abut-abot na kagandahang-loob. Sa pamamagitan ni Moises ibinigay ang Batas, sa pamamagitan naman ni Jesucristo dumating ang Kagandahangloob at Katotohanan. Kailanma’y walang sinumang nakakita sa Diyos; ang Diyos na Anak na bugtong siyang nasa kandungan ng Ama ang nagpahayag sa kanya.
Pagninilay
“Wikang-Salita” Katapusan na ng taon at magandang balikan ang ating nakaraan at tingnan kung ano ang mga naging bunga na nito. Kung tayo ay naghasik ng mabuting binhi, mabuting bunga ang ating aanihin. Kung kasamaan at kawalang pagmamahal, ito rin ang babalik sa atin. Ito ang babala sa atin ng unang pagbasa ukol sa Anti-Kristo. Wala itong pinapatungkol na indibidwal o grupo ng tao ngunit ang diwa niya ay salungatin si Kristo. Madaling makilala siya dahil maliwanag na hindi siya kasapi. “Walang kinalaman ang bulaan sa katotohanan,” ayon nga sa unang
pagbasa. Madali natin makikita batay sa naging takbo ng ating buhay kung ang inihasik ba natin ay pawang bulaan o katotohanan. Sa isang banda, nariyan ang “Wikang-Salita” at ito ay naging tao upang magtayo ng tolda sa
atin. Siya ang ipinadala ng Diyos sa ating mundo upang maghasik ng kabutihan, kapayapaan, at pagmamahal sa atin. Sa pagsisimula ulit ng bagong taon, ating itanim
sa ating buhay muli si Kristo upang tayo rin ay magbunga ng katotohanan at hindi kasinungalingan, kapayapaan at hindi pagkakawatak-watak, at pagmamahal at hindi poot at galit.
© Copyright Pang Araw-araw 2025




