Ebanghelyo: Marcos 6:45-52
Agad na pinilit ni Jesus na sumakay sa bangka ang mga alagad at pinauna sa Betsaida sa kabilang ibayo habang pinaaalis niya ang mga tao. At pagkapaalis niya sa kanila, mag-isa siyang lumayo papunta sa kaburulan para manalangin. Nasa laot na ang bangka nang gumabi at nag-iisa naman siyang nasa lupa. Nakita niya silang nahihirapan sa pagsagwan sapagkat pasalungat ang hangin. Kaya nang madaling-araw na, pinuntahan sila ni Jesus na naglalakad sa dagat at waring lalampas sa kanila. Nang makita nila siyang naglalakad sa dagat, akala nila’y multo siya. Kaya sumigaw sila. Nakita nga siya nilang lahat at nasindak sila. Ngunit agad niya silang kinausap: “Lakasan ang loob! Ako ito, huwag kayong matakot.” Nang nakasakay na siya sa bangka kasama nila, tumigil ang hangin kaya lalo pa silang namangha. Hindi nga nila naunawaan ang tungkol sa mga tinapay, kundi sarado ang kanilang isip.
Pagninilay
Isa sa mga sikat na gumamit ng mga salitang “Lakasan ang loob! Ako ito, huwag kayong matakot” ay si Papa San Juan Pablo II sa kaniyang unang homilya bilang Santo Papa noong Oktubre 22, 1978. Sinabi niya: “Mga kapatid, huwag kayong matakot na tanggapin si Kristo at tanggapin ang kanyang kapangyarihan. Tayo’y makiisa sa Santo Papa at sa lahat ng nagnanais na maglingkod kay Kristo. Sa kanyang kapangyarihan, tayo ay maglingkod sa kapwa at sa buong sangkatauhan. Huwag
tayong matakot. Buksan nang husto ang mga pintuan para kay Kristo… Huwag matakot. Batid ni Jesus ‘kung ano ang nasa kalooban ng tao’. Siya lang ang nakakaalam.” Minsan, marami sa atin ang gumagawa ng mga bagay o desisyon dahil tayo ay natatakot. Hindi natin binubuksan ating mga sarili sa mas dakilang kapangyarihan dahil natatakot tayo para sa ating kinabukasan, dahil hindi tayo ang masusunod, at dahil tinitignan natin ang mundo ayon sa ating interes at mga kagustuhan. Totoo, nakakatakot ang magtiwala, lalo na kung hindi natin ito nakikita o hindi tayo sigurado sa magiging kahihinatnan. Ngunit winika ni Jesus na tayo’y magtiwala sa Kaniya. Sa pagtitiwala natin sa kalooban ng Diyos, kasama rito ang “pagpapalakas natin ng loob”. Kahit anumang pasalungat na hangin ang dumating, huwag tayong matakot dahil kasama natin si Jesus.
© Copyright Pang Araw-araw 2026




