Ebanghelyo: Mateo 3:13-17
Dumating noon si Jesus mula sa Galilea at lumapit kay Juan sa Ilog Jordan para magpabinyag. Pero tumanggi si Juan at sinabi: “Ako ang dapat na magpabinyag sa iyo, bakit ikaw ang lumapit sa akin?” Ngunit sumagot sa kanya si Jesus: “Hayaan mo. Simulan natin sa simula.” Kaya sumang-ayon si Juan. Matapos mabinyagan, umahon si Jesus mula sa tubig. At agad na nabuksan ang langit at nakita niya ang Espiritu ng Diyos na bumababang parang kalapati at papunta sa kanya. Narinig kasabay nito ang boses mula sa langit na nagsabi: “Ito ang aking Anak, ang Minamahal, siya ang aking Hinirang.”
Pagninilay
Sa umpisa ng Banal na Misa, sinariwa natin ang mga pangako sa Binyag at binasbasan ng tubig, gaya ng pagbabasbas kay Jesus sa Ilog Jordan. Ito ay may mahalagang kahulugan para kay Jesus bilang isang tao. Sa puntong ito ng kaniyang binyag ay magaganap ang unang pagtahak Niya sa tatlong taon na tinatawag bilang kanyang pampublikong ministeryo. Kaya mahalaga ang sinambit ni Jesus kay Juan nang Siya’y tinanong kung bakit Niya kinailangang magbinyag sa Kaniya. Sinabi ni Jesus na “Simulan natin sa simula”. Tunay nga na ito ang simula para kay Jesus. Ang Pagbibinyag kay Jesus ay hindi lamang basta isang pasinaya. Ito ay isang pangako ng Diyos na hindi Niya pababayaan kailanman ang tao. Kaya sa pagbukas ng kalangitan sa naganap na Binyag, may boses na nagmula sa langit na nagwika: “Ito ang aking Anak, ang Minamahal, siya ang aking Hinirang.” Ito ang pagsang-ayon ng Ama, pagtupad ng Diyos sa Kaniyang pangako nang pagmamahal sa sangkatauhan. Ngayon ay mas nauunawaan natin ang winika ng Ama kay Propeta Isaias: “Akong si Yawe ang tumawag sa iyo dahil sa katarungan. Hahawakan kita sa kamay at iingatan; gagawin kitang isang tipan para sa sambayanan at liwanag sa mga bansa, upang imulat ang mata ng mga bulag, palayain sa bilangguan ang mga bihag, at pakawalan sa kulungan ang mga nasa dilim.” Ito ang pagkilala ng Ama sa bininyagang si Jesus, ang tipan na ipinangako. Sa pamamagitan ni Jesus, kasakasama at may ugnayan tayo sa Diyos. Sa pagsasariwa natin sa mga pinangako natin sa Binyag, nawa’y isabuhay natin ang ating mga sinambit. Ito ay panahon upang muling pagtibayin ang pangako natin kay Jesus at pagtanggi sa kasamaan, at upang pagpanibaguhin ang mga pangakong ginawa sa Binyag. Tulad ng Binyag ni Jesus, na nagdulot ng liwanag at kabanalan, maging tanda nawa ang bawat isa sa atin ng liwanag ni Jesus para sa sambayanan.
© Copyright Pang Araw-araw 2026




