Ebanghelyo: Marcos 2:1-12
Pagkaraan ng ilang araw, pumasok siya sa Capernaum. Nang mabalitang nasa bahay siya, marami ang nagtipon doon kaya wala nang lugar kahit sa may pintuan. At ipinahayag niya ang Salita. May mga tao namang dumating at dinala sa kanya ang isang paralitiko, na buhat-buhat ng apat. At nang hindi sila makalapit kay Jesus dahil sa dami ng tao, inalis nila ang mga tisa ng terasang nasa ibabaw ng kinaroroonan ni Jesus at pagkabukas nila nito, inihugos nila ang paralitiko na nasa higaan. Nang makita ni Jesus ang kanilang pananalig, sinabi niya sa paralitiko: “Anak! Pinatawad na ang iyong mga kasalanan.” May ilang guro ng Batas naman na nakaupo roon at inisip nila: “Ano itong sinasabi niya? Talagang iniinsulto niya ang Diyos. Sino ba ang may kapangyarihang magpatawad ng mga kasalanan? Di ba’t ang Diyos lamang?” At agad na nalaman ni Jesus sa kanyang espiritu na ganoon ang kanilang mga niloloob na kaisipan. Kaya sinabi niya sa kanila: “Ano ang mga kaisipan ninyong ito? Ano ba ang mas madaling sabihin sa paralitiko: ‘Pinatawad na ang iyong mga kasalanan’ o ‘Tumayo ka, kunin ang iyong higaan at lumakad’? Dapat ninyong malaman na sa lupa ay may kapangyarihan ang Anak ng Tao na magpatawad ng kasalanan.” At sinabi niya sa paralitiko: “Iniuutos ko sa iyo: bumangon ka, dalhin mo ang iyong higaan at umuwi.” At bumangon nga ang tao, agad na kinuha ang higaan at lumabas na nakikita ng lahat. Lubhang namangha ang lahat at nagpuri sila sa Diyos sa pagsasabing “Kailanma’y hindi pa kami nakakakita ng ganito.”
Pagninilay
Sa ebanghelyo, sa halip na magpasalamat at magbunyi ang mga guro ng Batas, itinuring pa nilang isang insulto sa Diyos ang ginawa ni Jesus. Hindi nila pinahalagahan ang biyayang kanilang nasaksihan, bagkus ay kinondena pa nila si Jesus at ang paralitiko. Makikita natin ang importansya ng pagpapahalaga sa kabutihan. Sa pagpapagaling at pagpapatawad ni Jesus, dalawang bagay ang isinaalang-alang Niya: Una, nakita Niya ang pagtitiwala ng mga kaibigan ng paralitiko. Ikalawa, nakita Niya ang pagtitiwala ng paralitiko dahil ninais niyang makatagpo si Jesus. Kaya tulad nang sinabi sa Ebanghelyo, “nakita ang kanilang pananalig”. Maging aral nawa sa atin ang naging karanasan ng paralitiko at ng kanyang mga kasama. Sa kanilang pananalig, tiniyaga nilang makapiling si Jesus sa gitna ng mga pagsubok. Bilang mga mananampalataya, matutunan din nawa nating manalig kay Jesus. Kung minsan, nagiging tulad tayo sa mga guro ng Batas na mapanuri, mapagduda, at mapagmaliit. Kung susuriin natin ang mga bagay sa mata ng ating pananampalataya, makikita natin ang kabutihan sa kalooban ng bawat tao.
© Copyright Pang Araw-araw 2026




