Ebanghelyo: Marcos 3:1-6
Muling pumasok si Jesus sa sinagoga, at naroon ang isang lalaki na hindi maigalaw ang kamay, at mayroon ding gustong magsumbong tungkol kay Jesus. Kaya nagmasid sila at baka pagalingin siya ni Jesus sa Araw ng Pahinga. At sinabi naman niya sa taong hindi maigalaw ang kamay: “Tumindig ka sa gitna.” At saka niya sila tinanong: “Ano ang ipinahihintulot sa Araw ng Pahinga, gumawa ng mabuti o gumawa ng masama, magligtas ng buhay o pumatay?” At di sila umimik. Nalungkot si Jesus dahil sa katigasan ng kanilang puso kaya galit niyang tiningnan silang lahat, at sinabi sa lalaki: “Iunat mo ang iyong kamay.” Iniunat nga ng tao ang kamay at gumaling ito. Pagkalabas ng mga Pariseo, nakipagtipon sila sa mga kakampi ni Herodes para masiraan nila siya.
Pagninilay
Mayroon tayong kasabihan na “Sa kagustuhan nating maging magaling, nakakalimutan nating maging mabuti”. Makikita natin ito sa ugali ng mga Pariseo na naghahangad na bitagin si Jesus dahil lamang nais Niyang tumulong at bigyan ng pag-asa ang isang taong maysakit at nangangailangan. Sa kultura ng mga Hudyo, ipinagbabawal ang gumawa nang kahit anong pagkilos tuwing Araw ng Pamamahinga o Sabbath. Ngunit ipinapakita sa atin ni Jesus na ang pagtulong sa kapwa ay mas higit pa sa hindi paggawa. Ipinapahiwatig ni Jesus na ang kasalanan ay hindi lamang sin of commission o yung magkasala ka sa paggawa ng masama. Mayroon ding tinatawag na sin of omission, o yung magkasala ka sa hindi paggawa. Sa harap ng pagdurusa ng lalaking may kapansanan sa kamay, ano ang ginawa ng mga Pariseo? Wala silang ginawa. Ngunit si Jesus ay hindi nagdalawang isip na tumulong at dumamay. Kaya naman, nawa’y maging paalaala sa atin na higit sa anumang batas at panuntunan, mahalaga ang pagdamay at pagmamahal sa kapwa. Ito ang magtatakda sa daan patungo kay Jesus.
© Copyright Pang Araw-araw 2026




