Ebanghelyo: Marcos 3:22-30
May dumating namang mga guro ng Batas na galing sa Jerusalem, at sinabi nila: “Sumasakanya si Beelzebul at sa tulong ng pinuno ng mga demonyo siya nagpapalayas sa mga ito.” Tinawag sila ni Jesus at nagsalita sa talinhaga: “Puwede bang Satanas ang magpalayas sa Satanas? Kung may pagkakahatihati ang isang kaharian, hindi na makatatayo ang kahariang iyon. At kung may sambahayang nagkakahati-hati, hindi na makatatayo ang sambahayang iyon. At kung si Satanas ang lumalaban sa kanyang sarili at nagkakahati-hati, hindi na siya makatatayo kundi malapit na ang wakas niya. Walang makapapasok sa bahay ni Malakas at makaaagaw sa lahat niyang mga gamit kung hindi muna itatali si Malakas. Saka lamang niya masasaid ang lahat ng ari-arian nito. Sinasabi ko sa inyo: patatawarin ang mga anak ng tao sa lahat sa kanilang mga kasalanan at pati sa kanilang mga paglait sa Diyos kahit na marami man ang mga paglait nila sa Diyos. Ngunit kung may magsalita laban sa Espiritu Santo, kailanma’y di siya mapapatawad; kasalanang walang hanggan ang nasa kanya.” Ang pagsasabi nilang may masamang espiritu siya ang tinutukoy ni Jesus.
Pagninilay
Inakusahan nila si Jesus na nagpapalayas ng mga demonyo dahil Siya raw mismo ay kaanib ng demonyo. Malinaw na ito ay upang siraan at ipahiya si Jesus. Sa makabagong panahon, may tawag tayo sa ganitong uri ng mga tao: mga “Marites”. Sila’y mga taong nagkakalat ng kuwento, lalo na kung ito ay tsismis o wala namang katotohanan at maaaring pinagkalat lamang upang magpahamak sa iba. Hindi ba iyon din ang ginagawa ng mga Pariseo? Ngunit narinig din natin kung paano itinama ni Jesus ang mga Pariseo Winika niya: “Puwede bang Satanas ang magpalayas sa Satanas? Kung may pagkakahati-hati ang isang kaharian, hindi na makatatayo ang kahariang iyon. …” Malinaw na si Jesus ay taliwas kay Satanas. Si Jesus ay naroon upang pag-isahin ang mga tao tungo sa kabutihan. Gaya ng mga “Marites”, na nagbebenta ng mga kasinungalingan, na nagkakalat ng tsismis, layon ng mga ganitong tao ang pagkakahiwahiwalay. Kaya ang pagiging “Marites” ay ang maging katulad ni Satanas. Kaya ang tawag sa atin ngayon ay hindi upang tularan ang mga gawaing makapaninira at magdudulot ng pagkakahiwalay. Tularan natin lagi si Jesus, na sa gitna ng mga pag-aalipusta, ng panunukso, ng paninirang ibinabato sa kaniya, nanatili siyang tapat, matatag, at nakatutok sa misyon na aakay sa mga tao patungo sa kabutihan.
© Copyright Pang Araw-araw 2026




