Ebanghelyo: Marcos 3:31-35
Dumating naman ang kanyang ina at ang kanyang mga kapatid; nakatayo sila sa labas at ipinatawag siya. Nakaupo si Jesus at napapaligiran ng mga tao nang may magsabi sa kanya: “Nasa labas ang iyong ina at mga kapatid; hinahanap ka nila.” At sinabi ni Jesus sa kanila: “Sino ang aking ina at mga kapatid?” At pagtingin niya sa mga nakaupo sa paligid niya ay kanyang sinabi: “Narito ang aking ina at mga kapatid. Kapatid kong lalaki at kapatid na babae at ina rin ang sumusunod sa kalooban ng Diyos.”
Pagninilay
Bilang mga Pilipino, nasa kultura natin ang pagiging magalang o masunurin sa ating pamilya, lalo na sa mga magulang, at lalo pa sa mga ina. Pero kung titingnan natin ang naging pahayag sa ebanghelyo, mukha bang binastos o isinantabi ni Jesus ang kanyang pamilya, lalo pa’t naroon ang kanyang inang si Maria? Hindi. Sapagkat makikita natin na ang pamilyang tinutukoy ni Jesus ay ang lahat ng tao. Kaya sinabi ni Jesus na kapatid Niya ang lahat nang naroroon. Pero may karugtong ito, “ang mga sumusunod sa kalooban ng Diyos”. Tayong mga Kristiyano ay nagtitipon tuwing Linggo o araw-araw upang makiisa sa pagdiriwang ng Banal na Misa. Sa pagtitipon natin sa Simbahan bilang isang pamayanan, isang parokya, isang diyosesis, sinasabi rin natin na tayo ay isang pamilya, isang sambayanan na nagtitipon. Sa mata ni Jesus, lahat tayo ay pamilya Niya. Kaya naman, kung ganun ang pagtingin ni Jesus sa bawat isa sa atin, sa ating pagsunod sa Kanya, ay ganun din dapat ang tingin natin sa bawat isa. Tayo ay iisang pamilya sapagkat tayo’y sumusunod sa kalooban ng Diyos. Sa pagsusumikap natin na maging alagad ni Jesus, na sumunod sa kalooban ng Diyos, nawa’y maging bahagi tayo ng kaniyang pamilya. Nawa’y makilala tayo bilang bahagi ng pamilya ni Jesus sa pamamagitan ng paggawa natin ng mabuti, sa palagiang pagdarasal, sa pagtulong natin sa kapwa, at sa palagiang pagbibigay prayoridad sa mga gawaing nagpapabanal.
© Copyright Pang Araw-araw 2026




