Ebanghelyo: Lucas 2:22-40*
Nang dumating na ang araw ng paglilinis nila ayon sa Batas ni Moises, dinala ang sanggol sa Jerusalem para iharap sa Panginoon tulad ng nasusulat sa Batas ng Panginoon: Lahat ng panganay na lalaki ay ituturing na banal para sa Panginoon. Dapat din silang mag-alay ng sakripisyo tulad ng binabanggit sa Batas ng Panginoon: isang pares na batubato o dalawang inakay na kalapati. Ngayon, sa Jerusalem ay may isang taong nagngangalang Simeon; (…) Ipinaalam naman sa kanya ng Espiritu Santo na hindi siya mamamatay hangga’t hindi niya nakikita ang Mesiyas ng Panginoon. Kaya pumunta siya ngayon sa Templo sa pagtutulak ng Espiritu, nang dalhin ng mga magulang ang batang si Jesus para tuparin ang kaugaliang naaayon sa Batas tungkol sa kanya. Kinalong siya ni Simeon sa kanyang mga braso at pinuri ang Diyos, at sinabi: “Mapayayaon mo na ang iyong utusan, Panginoon, nang may kapayapaan ayon na rin sa iyong wika; pagkat nakita na ng aking mga mata ang iyong pagliligtas na inihanda mo sa paningin ng lahat ng bansa, ang liwanag na ibubunyag mo sa mga bansang pagano at ang luwalhati ng iyong bayang Israel.” Nagtataka ang ama at ina ng bata sa mga sinasabi tungkol sa kanya. Pinagpala naman sila ni Simeon at sinabi kay Mariang ina ng bata: “Dahil sa kanya, babagsak o babangon ang mga Israelita at magiging tanda siya sa harap nila at kanilang sasalungatin. Kaya mahahayag ang lihim na pag-iisip ng mga tao. Ngunit paglalagusan naman ng isang punyal ang puso mo.” May isa ring babaeng propeta, si Ana na anak ni Panuel na mula sa tribu ng Aser. Matandang-matanda na siya. (…) Arawgabi siyang sumasamba sa Diyos sa pagaayuno at pananalangin. Walumpu’t apat na taon na siya. Sa pag-akyat niya sa sandaling iyon, nagpuri rin siya sa Diyos at nagpahayag tungkol sa bata sa lahat ng naghihintay sa katubusan ng Jerusalem. Nang matupad na ang lahat ng ayon sa Batas ng Panginoon, umuwi sila sa kanilang bayan, sa Nazaret sa Galilea. Lumalaki at lumalakas ang bata; napuspos siya ng karunungan at sumasakanya ang kagandahang-loob ng Diyos.
Pagninilay
Sa Ebanghelyo, binibigyang diin hindi ang pagpunta nina Jose, Maria, at Jesus sa Templo ng Jerusalem, kundi ang mga taong naghihintay sa kanila roon. Si Simeon ay isang matuwid at debotong pari na ipinangako ng Diyos na mabubuhay upang makita ang Mesiyas. Si Anna naman ay isang matandang balo na nag-aayuno at nanalangin nang walang tigil. Ano ang kahalagahan na malaman natin ang kanilang kuwento? Si Jesus ay ang pinakahinihintay na pag-asa ng lahat. Siya ang ipinangakong darating mula pa lamang kay Haring David at sa kaniyang mga naging inapo. Ito ay nagpapaalala na ang biyaya ay madalas na lumilitaw kapag ang mga tao ay walang sariling mapagkukunan upang matugunan ang isang pangangailangan. Halos buong buhay nilang hinintay ang pagharap nila sa Mesiyas. Nang mangyari iyon, nagalak sila na tinupad ng Diyos ang kaniyang pangako. Sa araw na ito, hindi lamang basta pagsunod nina Maria at Jose sa batas ng mga Hudyo ang inaalala natin. Ito’y tanda rin ng pagtupad ng Diyos sa pangako na siyang nag-uugnay sa mga pangako ng Ama sa Lumang Tipan at ang kaganapan ng mga pangakong iyon sa pagdating ni Jesus sa lupa. Kaya naman, muli nating sariwain ang mga ipinangako nang tayo’y bininyagan: na tayo’y sasampalataya, mananalig, at magtitiwala sa pag-ibig at kapangyarihan ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-araw 2026




