Ebanghelyo: Marcos 6:7-13
At tinawag niya ang Labindalawa at sinimulang isugo sila nang dala-dalawa. Binigyan niya sila ng kapangyarihan sa mga maruming espiritu. At sinabihan niya silang huwag magdala ng anuman para sa paglalakbay kundi tungkod lamang. Walang pagkain, walang pitaka o pera sa sinturon.
Nakasandalyas at may isang damit lang. At sinabi niya sa kanila: “Pagtuloy ninyo sa isang bahay, manatili kayo roon hanggang sa pag-alis ninyo mula roon. Kung may lugar na hindi tatanggap o makikinig sa inyo, umalis kayo roon at ipagpag ang alikabok sa inyong mga paa bilang sakdal sa kanila.”
At pag-alis nila, ipinangaral nila ang pagbabalik- loob. Maraming demonyo ang kanilang pinalayas at marami ring maysakit ang pinagaling nila sa pagpapahid ng langis.
Pagninilay
Ang Ebanghelyo ngayon ay isang bahagi ng kuwento ng ministeryo ng mga alagad. Binigyan sila ni Jesus ng kakayanan sa pamamagitan ng kapangyarihan upang palayasin ang mga maruming espiritu, pagalingin ang mga maysakit at inatasan din sila sa kanilang gagawin tuwing papasok sa isang tahanan saanman sila pumunta. Ito ay isang pagpapakilala sa magiging kinabukasan ng misyon ni Jesus sa lupa. Kaya naman, ipinakita ni Jesus sa pamamagitan ng kuwento ngayon ang kahalagahan ng pangangaral sa Salita ng Diyos sa bawat dako, na siya rin namang naging pangunahing gawain natin bilang Simbahan. Ito ay unang patikim (“foretaste”) sa gagawing pagsugo sa mga alagad. Sila’y ipinadala upang ipangaral ang Mabuting Balita sa lahat, sa bawat dako ng daigdig. Magandang itanong natin: Bakit dala-dalawa? Sa batas ng mga Hudyo, kailangan nila ng hindi bababa sa dalawang tao upang tumestigo at sumang-ayon sa isang bagay. Kaya kung tututol ang kanilang mga tagapakinig, mayroon silang kinakailangang bilang ng mga taong naroroon upang pagtibayin ang katotohanan ng isang pahayag. Kaya naman ang magkasamang mga alagad ay hindi lamang mga taong isinugo, sila rin ay mga saksi. Sila ang magpapatotoo na ang kanilang ginagawa bilang mga alagad ni Jesus ay mga bagay din na kanilang ipinahahayag sa ibang tao. Nawa’y tularan natin ang mga alagad ni Jesus. Samahan natin si Jesus sa misyon na ipahayag ang Mabuting Balita.
© Copyright Pang Araw-araw 2026




