Ebanghelyo: Marcos 8:14-21
Nakalimutan nilang magdala ng tinapay at isa lang ang dala nila sa bangka. At pinagsabihan sila ni Jesus: “Mag-ingat at huwag magtiwala sa lebadura ng mga Pariseo at sa lebadura ni Herodes.” At sinabi ng mga alagad sa isa’t isa: “Oo nga, ano? Wala tayong dalang tinapay.” Alam ni Jesus ang mga ito kaya sinabi niya sa kanila: “Bakit ninyo pinag-uusapan ang tinapay na wala sa inyo? Hindi pa ba ninyo maisip at maunawaan? Mapurol ba ang inyong pag-iisip? May mata kayong di nakakakita at may taingang di nakakarinig? Hindi na ba ninyo naaalala nang pinirapiraso ko ang limang tinapay para sa limang libo, ilang basket na puno ng mga pirapiraso ang inyong naipon?” At sumagot sila: “Labindalawa.” “At nang may pitong tinapay para sa apat na libo, ilang bayong na puno ng mga pira-piraso ang inyong naipon?” At sumagot sila: “Pito.” At sinabi ni Jesus: “Hindi pa ba ninyo nauunawaan?”
Pagninilay
Minsan mayroon tayong kaugaliang mga tao na ang lahat ng bagay ay nakadepende sa atin at sa ating mga ginagawa. Dahil dito, hindi natin natututunan na isama ang Panginoon sa equation. Iyon ang itinutumpak ni Jesus. Nais ipaunanwa ni Jesus sa mga alagad na hindi dapat mag-alala, kasi hindi Niya sila pinababayaan. Nabanggit ni Jesus ang kuwento tungkol sa lebadura ng mga Pariseo at ni Herodes. Sa kultura ng mga Hudyo, ang lebadura ay isang simbolo ng masamang impluwensya, na kumakatawan sa anumang bagay na sumisira, hindi lamang sa pisikal kundi pati na rin sa espirituwal at moral na aspeto ng buhay. Kaya naman, binalaan ni Jesus ang mga disipulo na iwasan ang paraan ng mga Pariseo at Saduceo, na nabulag ng kanilang sariling pagmamataas at hindi nakilala ang katotohanan. Inihahambing ni Jesus ang tinapay at lebadura na nagbubunga ng buhay sa tinapay at lebadura na nabubulok at nakakasira. Dahil dito, nawa’y alalahanin natin na patuloy na manalig kay Jesus. Siya ay laging tapat sa atin, kahit pa hindi tayo ganoon sa kanya.
© Copyright Pang Araw-araw 2026




