Ebanghelyo: Lucas 15:1-3, 11-32*
Lumapit kay Jesus ang lahat ng kolektor ng buwis at mga makasalanan para makinig. Kaya nagbulung-bulungan ang mga Pariseo at mga guro ng Batas: “Tinatanggap niyan ang mga makasalanan at nakikisalo sa kanila.” Kaya sinabi ni Jesus ang talinhagang ito sa kanila: Sinabi pa rin ni Jesus: “May isang taong may dalawang anak na lalaki. Sinabi ng bunso sa kanyang ama: ‘Itay, ibigay na ninyo sa akin ang parte ko sa mana.’ At hinati sa kanila ng ama ang ari-arian. Pagkaraan ng ilang araw, tinipon ng bunsong anak ang lahat ng kanya at naglakbay sa malayong lupain. Doon niya winaldas ang sa kanya sa maluwag na pamumuhay. Nang maubos na ang lahat sa kanya, nagkaroon ng matinding taggutom sa lupaing ’yon at nagsimula siyang maghikahos. Kaya pumunta siya at namasukan sa isang tagaroon, at inutusan siyang mag-alaga ng mga baboy sa bukid nito. At gusto sana niyang punuin kahit na ng kaning-baboy ang kanyang tiyan pero wala namang magbigay sa kanya. Noon siya natauhan at nag-isip: ‘Gaano karaming arawan sa bahay ng aking ama na labis-labis ang pagkain at namamatay naman ako dito sa gutom. Titindig ako, pupunta sa aking ama, at sasabihin ko sa kanya: ‘Itay, nagkasala ako laban sa langit at sa harap mo. Hindi na ako karapat-dapat pang tawaging anak mo; ituring mo na akong isa sa iyong mga arawan.’ Kaya tumindig siya papunta sa kanyang ama. Malayo pa siya nang matanaw ng kanyang ama at naawa ito, patakbo nitong sinalubong ang anak, niyakap at hinalikan. Sinabi sa kanya ng anak: ‘Ama, nagkasala ako laban sa langit at sa harap mo; hindi na ako karapat-dapat pang tawaging anak mo.’ Pero sinabi ng ama sa kanyang mga utusan: ‘Madali, dalhin ninyo ang dati niyang damit at ibihis sa kanya; suutan ninyo ng sinsing ang kanyang daliri at ng sapatos ang kanyang mga paa. Dalhin at katayin ang pinatabang guya, kumain tayo at magsaya sapagkat namatay na ang anak kong ito at nabuhay, nawala at natagpuan.’ At nagsimula silang magdiwang. Nasa bukid noon ang panganay na anak. Nang pauwi na siya at malapit na sa bahay, narinig niya ang tugtugan at sayawan. Tinawag niya ang isa sa mga utusan at tinanong kung ano ang nangyari. Sinabi nito sa kanya: ‘Nagbalik ang kapatid mo kaya ipinapatay ng iyong ama ang pinatabang guya dahil nabawi niya siyang buhay at di naano.’ (…)
Pagninilay
Sa Ebanghelyo, nangutya na naman ang mga Pariseo at mga guro ng batas dahil nakisalamuha si Jesus sa mga kolektor ng buwis at mga itinuturing na mga “makasalanan”. Sa pamamagitan ng kuwento tungkol sa Alibughang Anak, ipinakita ni Jesus sa atin na higit sa anumang panglalait o pang-aalipusta, mahalagang matutunan natin ang umunawa, magmahal, at magpatawad tulad ng ginawa ng ama. Kaya nga marahil napagtanto ng anak na panganay ang dahilan kung bakit buong-buo pa ring tinanggap ng ama ang kanyang bunsong kapatid. Sinabi ng ama na: “namatay na ang kapatid mo at nabuhay, nawala at natagpuan.” Ibig sabihin, kahit nawala ang anak, sa kanyang pagnanais na bumalik, muling binuksan ng ama ang pintuan para sa kanya. Matuto nawa tayo sa kuwento ng alibughang anak. Nilustay niya ang pera ng kanyang ama at itinuring siyang patay na dahil sa paghahangad niya sa kanyang mana. Sa huli, hindi siya kinondena at ipinalayas, kundi muli siyang tinanggap. Ganito rin naman ang Diyos Ama natin sa Langit. Alalahanin natin, lalo na ngayong panahon ng Kuwaresma, na bumalik sa piling ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





