Ebanghelyo: Juan 4:5-42
Kaya dumating siya sa isang bayan ng Samaria na tinatawag na Sikar na malapit sa bukid na ibinigay ni Jacob kay Jose na kanyang anak. Naroon ang bukal ni Jacob. Dala ng pagod sa paglalakbay, basta na lamang naupo si Jesus sa may bukal. Magtatanghaling- tapat ang oras noon. May dumating na babaeng taga-Samaria para sumalok ng tubig at sinabi sa kanya ni Jesus: “Painumin mo ako.” Pumunta na noon sa bayan ang kanyang mga alagad para bumili ng pagkain. Sumagot naman sa kanya ang babaeng Samaritana: “Judio ka, paano mo mahihingi sa akin, na babaeng Samaritana, na painumin kita?” (Sapagkat hindi nakikisalamuha ang mga Judio sa mga Samaritano.) Sinabi ni Jesus sa kanya: “Kung alam mo ang Kaloob ng Diyos at kung sino ang nagsasabi sa iyong ‘Painumin mo ako!’ hiningan mo sana siya at bibigyan ka sana niya ng tubig na buhay.” Sinabi sa kanya ng babae: “Wala po kayong panalok at malalim ang balon. Saan po galing ang inyong tubig na buhay? Mas may kakahayahan po ba kayo kaysa aming amang si Jacob? Siya mismo ang nagbigay sa amin ng balon at dito siya uminom pati na ang kanyang mga anak at mga kawan.” Sumagot si Jesus sa kanya: “Mauuhaw uli ang sinumang umiinom sa tubig na ito. Ngunit hinding-hindi mauuhaw magpakailanman ang umiinom sa tubig na ibibigay ko sa kanya. Magiging isa ngang bukal sa kanya ang tubig na ibibigay ko, na bubukal tungo sa buhay na magpakailanman.” Sinabi sa kanya ng babae: “Ibigay po ninyo sa akin ang tubig na ito nang hindi na ako mauhaw ni magparoo’t parito pa para sumalok dito.” Sinabi ni Jesus sa kanya: “Hala, tawagin mo ang iyong asawa at pumarito.” Sumagot ang babae: “Wala akong asawa.” Sinabi naman sa kanya ni Jesus: “Mahusay ang sabi mong wala kang asawa, sapagkat nagkaroon ka ng limang lalaki, at hindi mo asawa ang lalaki mo ngayon. Totoo nga ang sinabi mo.” Sinabi sa kanya ng babae: “Sa pansin ko’y isa kayong propeta. Sa bundok na ito sumamba ang aming mga ninuno. Ngunit sinasabi ninyong mga Judio na ang Jerusalem ang lugar na dapat sambahan.” Sagot sa kanya ni Jesus: “Maniwala ka sa akin, babae, na dumarating ang oras na sasamba kayo sa Ama at hindi na sasabihing sa bundok na ito ni sa Jerusalem. Sumasamba kayo nang walang alam; sumasamba naman kami nang may alam, dahil sa mga Judio galing ang kaligtasan. Ngunit dumarating ang oras at narito na nga, na sa espiritu at katotohanan sasamba sa Ama ang mga totoong sumasamba. Ganito nga ang hangad ng Ama sa mga sumasamba sa kanya. Espiritu ang Diyos, at sa espiritu at katotohanan dapat sumamba ang mga sumasamba sa kanya. Sinabi sa kanya ng babae: “Alam kong dumarating ang Mesiyas, ang tinatawag na Pinahiran. At pagdating niya, ihahayag niya sa amin ang tanang mga bagay.” Sinabi sa kanya ni Jesus: “Ako siya na siyang nangungusap sa iyo.” Sa sandaling ito, dumating ang kanyang mga alagad, at nagtaka sila’t nakikipag-usap siya sa isang babae. Gayunma’y walang nagtanong: “Ano’ng hinahanap mo? o: Ba’t ka nakikipag-usap sa kanya?” Iniwan ng babae ang kanyang tapayan at patakbong bumalik pabayan, at ipinagsabi niya sa mga tao: “Halikayo para makita ang isang taong nagsabi sa akin ng lahat kong ginawa. Hindi kaya ito ang Mesiyas?” Kaya lumabas sila ng bayan at pumunta sila sa kanya. Samantala, pinakiusapan siya ng mga alagad: “Rabbi (o Guro), kumain ka na.” Sumagot naman si Jesus: “May makakain ako, pagkain itong hindi ninyo alam.” Kaya nag-usap-usap ang mga alagad: “May nagdala kaya sa kanya ng makakain.” Sinabi sa kanila ni Jesus: “Pagkain ko’y isagawa ang kalooban ng nagpadala sa akin at ganapin ang kanyang gawa. Di ba’t sinasabi n’yong ‘Apat na buwan na lang at anihan na? Pero sinasabi ko sa inyo: tumunghay kayo at masdan, namumuti na ang mga bukirin para anihin. Tumatanggap na ng upa ang mga taga-ani at nagtitipon ng bunga para sa buhay na magpakailanman. At magkasamang magagalak ang tagahasik at ang taga-ani. Totoo nga ang kasabihang iba ang naghahasik at iba ang nag-aani. Isinugo ko kayo para mag-ani sa hindi ninyo pinagpaguran. Iba ang nagpagod at kayo ang sumalo sa kanilang pagod.” Mula sa bayang iyon, marami ang nagsimulang manalig sa kanya sa mga Samaritano dahil sa salita ng babaeng nagpatunay: Sinabi niya sa akin ang lahat kong ginawa.” Kaya pagdating sa kanya ng mga Samaritano, pinakiusapan nila siyang sa kanila lumagi. At lumagi siya roon nang dalawang araw. At mas marami pa ang mga naniwala dahil sa kanyang salita. At sinabi nila sa babae: “Hindi na dahil sa ‘yong pangungusap kaya kami nanalig dahil kami na mismo ang nakarinig, at kinikilala namin na totoo ngang siya ang Tagapagligtas ng mundo.”
Pagninilay
Sa Ebanghelyo, muling binuwag ni Jesus ang nakasanayang mga gawain ng pagiging eksklusibo ng kultura ng mga Hudyo, lalo na sa pagkakataong ito sa mga Samaritano. Naniniwala ang mga Hudyo na pinili ng Diyos ang Bundok Sion sa Jerusalem bilang lugar para sa pagsamba. Ang mga Samaritano naman ay naniniwala na si Joshua ang nagtayo ng unang tabernakulo sa Bundok Gerizim, at ang Diyos ay nag-utos ng pagsamba doon sa pamamagitan ni Moises. Ito ang naging basehan ng pag-aatubili ng babaeng Samaritana sa kanyang pakikipagusap kay Jesus. Alam ng babae na siya ay Samaritana at Siya naman ay Hudyo. Ngunit binuwag ni Jesus ang kaisipan na ito ng pagkakaiba. Sinabi ni Jesus: “dumarating ang oras at narito na nga, na sa espiritu at katotohanan sasamba sa Ama ang mga totoong sumasamba”. Ibig sabihin hindi sa anong lugar nababatay ang tunay na pagkilala sa Diyos, kundi sa pagtupad sa Kaniyang kalooban saan ka man sumasamba. Maliwanag ang nais ipahayag ni Jesus na ang pag-ibig ng Diyos, na dala Niya bilang Mesiyas, ay pag-ibig na yumayakap sa lahat ng tao. Hindi dapat magkaroon ng diskriminasyon dahil lamang sa mga hidwaan ng kultura na bahagi na ng nakaraan. Tulad ng mga Samaritano, buksan nawa natin ang ating mga tahanan sa pagdating ni Jesus at yayain natin siyang lumagi. Gayundin naman, sa pagpili natin na tumulong sa kapwa, gaya ng pagpapainom ng Samaritana kay Jesus, naroon din ang imbitasyon sa atin na maging tagapagpahayag upang mas maraming magsabi na “kinikilala namin na totoo ngang siya ang Tagapagligtas ng mundo.”
© Copyright Pang Araw-araw 2026





