Ebanghelyo: Juan 8:51-59
Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, kung may nagsasakatuparan ng aking salita, hinding-hindi niya papansinin ang kamatayan magpakailanman.” Kaya sinabi sa kanya ng mga Judio: “Alam na namin ngayon na may demonyo ka nga. Namatay si Abraham pati ang mga propeta at sinasabi mong ‘Kung may nagsasakatuparan ng aking salita, hinding-hindi siya lalasap ng kamatayan magpakailanman.’ Mas dakila ka pa ba kaysa ama naming si Abraham na namatay? Nangamatay pati ang mga propeta. Sino ka ba sa akala mo?” Sumagot si Jesus: “Kung ako ang pumupuri sa aking sarili, walang saysay ang aking papuri. Ang ama ko ang pumupuri sa akin, siya na sinasabi n’yong ‘Diyos namin.’ Hindi n’yo siya kilala pero kilala ko siya. Kung sasabihin kong hindi ko siya kilala, magiging sinungaling akong tulad n’yo. Pero kilala ko siya at isinasakatuparan ko ang kanyang salita. Nagalak ang inyong amang si Abraham at makikita niya ang Araw ko; nakita nga niya at siya’y natuwa.” Kaya sinabi ng mga Judio sa kanya: “Wala ka pang limampung taon at nakita mo na si Abraham?” Sinabi sa kanila ni Jesus: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, bago pa man si Abraham, ako na nga.” Kaya dumampot sila ng mga bato para ibato sa kanya. Pero nagtago si Jesus at umalis sa Templo.
Pagninilay
Ang Ebanghelyo ngayon ay pagpapahayag ng kadakilaan ng Diyos. Kaya nga sinabi ni Jesus na: Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, bago pa man si Abraham, ako na nga.” Ito ay nagdulot ng lubos na pagkagalit ng mga Hudyo kahit alam nating si Jesus ang Anak ng Diyos. Sa kabila nito, nababatid natin na si Jesus ay nagbuwis ng buhay para sa makabuluhang layunin, upang magbigay ng buhay at ilapit ang mga tao sa Diyos. Ipinahayag Niya sa kanyang masasamang tagapakinig na: ‘Ang sinumang tumupad sa aking salita ay hindi kailanman makakakita ng kamatayan… hindi kailanman malalaman ang lasa ng kamatayan”. Kung titingnan natin, ito ay isang pambihirang pangako. Kung pinapakinggan natin ang salita ng Panginoon at namumuhay ayon dito, hindi natin kailanman mawawala ang buhay na ibinibigay sa atin ng kaniyang salita. Bagamat hindi natin maiiwasan ang pisikal na kamatayan bilang mga taong nagmana ng kasalanang orihinal, ngunit kung ibibigay natin ang ating sarili sa salita ng Panginoon at susundin natin ang kaniyang kalooban, mabubuhay tayo na kahit ang pisikal na kamatayan ay hindi masisira o mawawasak.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





