Ebanghelyo: Juan 3:1-8
May isang taong kabilang sa mga Pariseo – Nicodemo ang pangalan niya – pinuno siya ng mga Judio. Isang gabi, pinuntahan niya si Jesus at sinabi sa kanya: “Rabbi, alam namin na guro kang galing sa Diyos. Sapagkat walang makagagawa ng mga tandang ginagawa mo kung hindi sumasakanya ang Diyos.” Sumagot si Jesus sa kanya: “Talagang-talagang sinasabi ko sa iyo, walang makakakita sa paghahari ng Diyos kung hindi siya isisilang na muli mula sa itaas.” Sinabi sa kanya ni Nicodemo: “Paano maisisilang ang isang taong matanda na? Di ba’t hindi siya makapapasok sa sinapupunan ng kanyang ina para isilang uli?” Sumagot si Jesus: “Talagang-talagang sinasabi ko sa iyo, walang makapapasok sa kaharian ng Diyos kung hindi siya isisilang mula sa tubig at Espiritu. Laman ang isinilang mula sa laman, at espiritu ang isinilang mula sa Espiritu. Huwag kang magtaka dahil sinabi ko sa iyong kailangan kayong isilang mula sa itaas. Umihip ang hangin kung saan nito nais, at naririnig mo ang ihip nito pero hindi mo alam kung saan ito galing at kung saan ito patungo. Gayon din nga ang bawat isinilang mula sa Espiritu.”
Pagninilay
Sino ang nagpapadaloy ng ating buhay? Sino ang nagpapalakad ng pang araw araw nating gawain? Mula ba ito sa kaalaman o kakayahan natin? Sino ang nagtuturo ng ating pinanggalingan o sa ating patutunguhan? Huwag tayong magmalaki sa lahat nang kung anong mayroon tayo o kung sino tayo. Ang lahat ng ito ay may pinanggalingan at sa totoo lang hindi galing sa atin. Paano natin ito uunawain? Ang lahat ba ng ito’y magdaragdag o magpapalalim sa buhay natin o ng pananampalataya natin? Ano ang kahalagahan ng lahat ng pananatili natin sa mundo? Kung tayo ay tunay na magpapakumbaba at malinaw na uunawain ang kasaysayan ng ating buhay, matatanto nating may higit na kapangyarihan na nagpapadaloy ng ating mga sandali at panahon. Ang lahat ay naitakda na. Ang buong buhay ng tao ay naipahayag na mula sa lakas at katotohanan at kapangyarihan ng Salita ng Diyos. Kaya makinig at pakinggan natin ang natatanging tinig na gagabay sa atin na isinilang mula sa Espiritu ng Panginoon.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





