Ebanghelyo: Marcos 10:32-45
Sa paglakad nila paahon sa Jerusalem, nanguna si Jesus at nagtaka sila. Natakot naman ang mga kasunod nila. Muli niyang isinama ang Labindalawa at habang nasa daan ay sinimulan niyang sabihin sa kanila ang mga sasapitin niya: “Tingnan ninyo, papunta na tayo sa Jerusalem. Doon ibibigay ang Anak ng Tao sa mga punong-pari at mga guro ng Batas na maghahatol sa kanya ng kamatayan. Kaya ibibigay nila siya sa mga pagano. Pagtatawanan nila siya, luluraan, hahagupitin at papatayin. Ngunit babangon siya pagkatapos ng tatlong araw.” Lumapit noon kay Jesus sina Jaime at Juan na mga anak ni Zebedeo, at sinabi sa kanya: “Guro, gusto sana naming gawin mo ang hihingin namin sa iyo.” At sinabi ni Jesus: “Ano ang gusto ninyong gawin ko?” Sumagot sila: “Ipagkaloob mo sa amin sa iyong kaluwalhatian na maupo ang isa sa amin sa kanan mo, at ang isa naman sa kaliwa mo.” Sinabi ni Jesus: “Talagang hindi ninyo alam kung ano ang hinihingi ninyo. Maiinom ba ninyo ang kopang iinumin ko at mabibinyagan sa binyag na ibininyag sa akin?” Sumagot sila: “Kaya namin.” Sumagot si Jesus: “Totoong iinom din kayo sa kopang iinumin ko at mabibinyagan sa binyag na ibibinyag sa akin. Ngunit wala sa akin ang pagpapaupo sa aking kanan o kaliwa. Inihanda ito para sa iba.” Nang marinig ito ng sampu, nagalit sila kina Jaime at Juan. Kaya tinawag sila ni Jesus at sinabi sa kanila: “Nalalaman ninyo na sinusupil ng mga naghahari ang kanilang mga bansa at inaapi ng mga nasa kapangyarihan. Huwag namang ganito sa inyo: ang may gustong maging dakila, siya ang maging lingkod ninyo; ang may gustong mauna sa inyo, siya ang maging alipin ninyo. Gayundin naman, dumating ang Anak ng Tao hindi para paglingkuran kundi para maglingkod at ibigay ang kanyang buhay bilang pantubos sa marami.”
Pagninilay
Itinuturo ng ating pananampalataya na si Jesus ay Diyos, Anak ng Ama, na nagsugo sa kaniya. Kaya naman, kahit siya’y nasa anyong tao ay hindi nawala ang kaniyang pagkadiyos. Ito ay hayagan pa niyang ipinakita. Mapapatanong siguro ang ilan sa atin, bakit hindi ginamit ni Jesus ang kaniyang kapangyarihan bilang Diyos upang ipakita na siya nga ay Diyos. Pwede naman sana niyang imekusmekus ang mga bagay-bagay upang madaling sumunod ang mga taong makakita o makakasaksi sa kaniyang gagawin? Ang sagot ay sapagkat nais ni Jesus na ipakita kung paano at sino dapat ang totoong Diyos. Ang totoong Diyos ay isang Diyos na may kababang-loob, isang Diyos na handang maglingkod at hindi dapat paglingkuran, isang Diyos na handang magpauna at magparaya at handang maging alipin ng lahat. At ito ang ginawa ni Jesus, isinabuhay niya habang siya’y nasa lupa ang pagkasino at pagkapaano maging Diyos. Ito rin ang kaniyang paanyaya sa atin, na isabuhay natin ang mga katangian ng Diyos na ating sinusundan at sinasamba. Malungkot na riyalidad na mangilan-ngilan sa atin ay nagiging diyos-diyusan ayun sa pamantayan ng mundo. Tayo’y nagiging gahaman, sakim, at mapang-abuso. Pero, huwag nating pakalimutan na ang totoong Diyos ay ang mga katangian na mamamalas natin kay Jesus, mapagpakumbaba at mapagmahal.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





