Ebanghelyo: Marcos 10:46-52
Dumating sila sa Jerico. At pag-alis niya roon kasama ng kanyang mga alagad at ng marami pang tao, may isang bulag na pulubi na nakaupo sa tabi ng daan – si Bartimeo, ang anak ni Timeo. Nang marinig niya na si Jesus na taga-Nazaret ang dumaraan, nagsimula siyang sumigaw: “Kaawaan mo ako, Jesus, Anak ni David.” Pinagsabihan siyang tumahimik ng mga tao pero lalo lamang niyang nilakasan ang kanyang sigaw: “Panginoon, Anak ni David, maawa ka sa akin!” Huminto naman si Jesus at sinabi: “Tawagin ninyo siya.” Kaya tinawag nila ang bulag: “Lakasan mo ang iyong loob at tumindig ka. Tinatawag ka nga niya.” Inihagis nito ang kanyang balabal at paluksong lumapit kay Jesus. Kinausap ito ni Jesus at sinabing: “Ano ang gusto mong gawin ko?” At sumagot sa kanya ang bulag: “Ginoo, makakita sana ako.” At sinabi naman ni Jesus: “Sige, ang iyong pananalig ang nagligtas sa iyo.” Agad siyang nakakita at sumunod siya kay Jesus sa daan.
Pagninilay
“Ano ang gusto mong gawin ko?” Ano kaya ang isasagot natin kapag tinanong tayo ni Jesus ng ganito. Para kay Bartimeo, na tinanong ni Jesus, malinaw at walang patumpik-tumpik ang kanyang kagustuhan, na siya’y makakita. Kaya naman, kanyang ginawa ang lahat upang marinig siya ni Jesus at hindi naman siya nabigo. Sa pagninilay natin, ano kaya ang kaya nating gawin upang marinig ng Diyos ang ating mga dasal at pagsusumamo? Ano ang kaya nating iwan upang makasunod tayo at matanong rin ng Diyos? Handa ba tayong mag-ingay, sumigaw para sa ating pananampalataya? Kaya ba nating huwag manahimik kahit pa pinapatahimik tayo ng ibang tao, ng buong mundo? Kahit pa nga it’s us against the world? Anong kaya nating gawin upang matanong rin ni Jesus kung anong gusto nating gawin niya. Lakas ng loob at pananampalataya ang dala ni Bartimeo, nawa’y ito rin ang magbigay ng lakas sa ating upang tawagin ang pangalan ni Jesus.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





