Ebanghelyo: Marcos 12:35-37
Sa pagtuturo ni Jesus sa Templo, sinabi niya: “Ano’t sinasabi ng mga guro ng Batas na anak ni David ang Mesiyas? Sinabi nga ni David nang kasihan siya ng Espiritu Santo: ‘Ang sabi ng Panginoon sa aking Panginoon: Umupo sa aking kanan hanggang ilagay ko ang iyong mga kaaway sa ilalim ng iyong mga paa.’ Kung tinatawag siya ni David mismo na Panginoon, puwede bang anak siya ni David?” Nasisiyahan ang bayan sa pakikinig sa kanya.
Pagninilay
“Magagalit si Jesus.” Ito ang mga katagang palaging sinasambit ng matatanda bilang pananakot sa atin noong tayo ay bata pa tuwing tayo’y makulit at matigas ang ating ulo. Marami tuloy sa atin ang lumaki na takot kay Jesus dahil Siya ang siyang nagpaparusa sa mga pagkakamali. Sa ebanghelyo ngayong araw na ito, pinaiigting ni Jesus ang malalim na pagkilala sa kaniya – hindi lamang kung ano ang itinuro sa atin, hindi lamang mula sa mga pagbasa, at hindi lamang bilang ‘anak ni David’. Sa ating buong buhay bilang mananampalataya, sino ba si Jesus sa atin? Ano ba ang personal na ugnayan natin kay Jesus? Anu-anong pagkakataon sa buhay natin na binuksan natin ang ating puso upang tunay na kilalanin si Jesus? Kilalanin natin si Jesus sa pagninilay ng Salita ng Diyos, sa pagpapalalim ng ating buhay panalangin, at sa pagtingin sa ating kapwa bilang mga kawangis din ng Diyos at salamin ng ating pagmamahal at ugnayan kay Jesus. Pagnilayan natin ito sa araw na ito.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





