Ebanghelyo: Lucas 17:26-37
Tulad ng nangyari sa panahon ni Noe, gayundin sa mga araw ng Anak ng Tao. Kumakain sila at umiinom, nag-aasawa ang mga lalaki at mga babae, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa daong at dumating ang Baha na pumuksa sa lahat. Tulad sa panahon ni Lot: kumakain sila at umiinom, nagtitinda at namimili, nagtatanim at nagtatayo. At nang lumabas si Lot mula sa Sodom, nagpaulan ang Diyos mula sa langit ng apoy at asupre na pumuksa sa lahat. Ganito rin sa araw na ibubunyag ang Anak ng Tao. Sa araw na iyon, huwag nang bumaba pa sa bahay ang nasa terasa para kunin ang kanyang mga gamit at huwag nang umuwi pa ang nasa bukid. Alalahanin ninyo ang asawa ni Lot. Ang sinumang magsikap na magligtas ng sarili ay mawawalan nito, at ang mawawalan naman ng sarili ang magsisilang nito sa buhay. Sinasabi ko sa inyo: kung may dalawa sa isang higaan sa gabing iyon, dadalhin ang isa at iiwan ang isa pa; kung may dalawang babaeng magkasamang gumigiling, dadalhin ang isa at iiwan ang isa pa.” At itinanong naman nila: “Saan, Panginoon?” Sumagot siya. “Kung nasaan ang katawan, doon nagtitipon ang mga buwitre.”
Pagninilay
“Maging handa. Maging ligtas. Magplano para sigurado!” Ito ang payo ng isang weather forecaster. Dumarating ang mga kalamidad na di natin inaasahan kaya dapat laging handa at mapagbantay. Ganito ang pagdating ng huling araw. Tulad noong kapanahunan ni Noe, ang mga tao’y abala sa kanilang mga gawain araw-araw “hanggang sa dumating ang baha at namatay silang lahat.” Hindi sila naging handa sapagkat, sa gitna ng kanilang mga kaabalahan, tila nakalimutan nila na may higit pang kahulugan at layunin ang buhay. Ani Socrates, “an unexamined life is not worth living.” Sa buhay, kailangang mag-isip at magnilay sa mga pangyayari sa ating buhay. Sa pagsisikap nating umunlad ang buhay, baka matuon lamang ang ating pansin sa mga bagay na makalupa at makaligtaang hanapin ang makalangit na pagpapala. Bawat araw ay isang biyaya para maghanda. ‘Ngayon,’ ang pamagat ng isang awit ni Basil Valdez, na ganito ang mensahe: “Kung bawa’t ngayo’y dakila mong nagamit. Masasabi mong kahit na ang bukas, ‘di sumapit pa, ang naabot mo’y langit na!”
© Copyright Pang Araw-araw 2026





