Ebanghelyo: Mateo 25:14-30
Ipagpalagay natin na may isang tao, na bago mangibang-bayan ay tinawag ang kanyang mga katulong at ipinagkatiwala sa kanila ang kanyang mga ari-arian. Limang talentong pilak ang ibinigay niya sa una, dalawa naman sa isa pa, at isa sa pangatlo, batay sa kaya ng bawat isa. At saka siya umalis. Agad na ipinagnegosyo ito ng nakatanggap ng limang talento at kumita ng lima pa. Nagnegosyo rin ang nakatanggap ng dalawa at kumita ng dalawa pa. Humukay naman sa lupa ang may isang talento at itinago ang pilak ng kanyang amo. Pagkaraan ng matagal na panahon, bumalik ang amo ng mga katulong na ito at hiningan sila ng pagsusulit. Kaya lumapit ang nakatanggap ng limang talento dala ang tinubong lima pang bareta, at sinabi: ‘Panginoon, ipinagkatiwala mo ang limang bareta sa akin, at tingnan mo, tumubo pa ako ng limang talento.’ Sumagot ang amo: ‘Mabuti, mabait at matapat na katulong; dahil naging tapat ka sa kaunting bagay, pagkakatiwalaan kita ng higit pa rito. Halika at makibahagi sa kaligayahan ng iyong panginoon.’ Lumapit naman ang may dalawang talento at nagsabi: ‘Panginoon, ipinagkatiwala mo ang dalawang talento sa akin, at ngayo’y tumubo pa ako ng dalawang talento.’ Ang sabi ng amo: ‘Mabuti, mabait at matapat na katulong; dahil naging tapat ka sa kaunting bagay, pagkakatiwalaan kita ng higit pa rito. Halika at makibahagi sa kaligayahan ng iyong panginoon.’ Sa bandang huli, dumating ang nakatanggap ng isang talento at nagsabi: ‘Panginoon, alam kong mahigpit kang tao. Inaani mo ang di mo itinanim at nililikom ang hindi mo ipinagnegosyo. Natakot ako kaya itinago ko ang iyong talento sa lupa. Heto ang sa iyo.’ Ngunit sinagot siya ng kanyang amo: ‘Masama at walang kuwentang katulong, alam mo palang inaani ko ang hindi ko itinanim at nililikom ang hindi ko ipinagnegosyo. Sana’y dinala mo sa bangko ang aking pilak at mababawi ko ang sa akin pati na ang tubo pagdating ko. Kaya kunin ang talento sa kanya at ibigay ito sa may sampu pa. Sapagkat sa sinumang meron, bibigyan pa siya at magkakaroon nang sagana; ngunit ang wala, maging ang sa kanya ay aagawin sa kanya. Para sa walang silbing katulong, itapon siya sa dilim kung saan may iyakan at pagngangalit ng ngipin.’
Pagninilay
Malapit na ang Kapistahan ng Kristong Hari. Ito ang huling Linggo sa taon ng Simbahan. Ipinapaalaala nito na sa huling araw ng ating buhay, lahat tayo ay magsusulit sa Diyos. Paano natin ginugol ang panahong inilagi natin dito sa lupa? Tumubo kaya ang Diyos sa puhunang ipinahiram sa atin? Ang pinakadakilang regalo na mayroon tayo ay kung ‘sino’ at ‘ano’ tayo ayon sa layunin ng Lumikha. Bakit daw sa habulan ng pusa at daga, laging nauuna ang daga at naiiwan ang pusa? Ang sagot: sapagkat ang pusa ay tumatakbo para kumain, samantalang ang daga ay tumatakbo para mabuhay. Malalim ang dahilan kung bakit tayo umiiral. Sabi ni San Pablo, walang sinuman ang nabubuhay para sa sarili lamang. Sayang ang buhay na walang pinag-alayan. Sa kabalintunaan, tatamuhin natin ang buhay kapag ito ay inialay. Tama ang hatol ng panginoon sa Talinghaga: “Ang mayroon ay bibigyan pa, subalit ang wala, ang kakaunting mayroon siya ay kukunin pa!” Ang totoo, hindi binabawi ng Panginoon ay kanyang mga ibinigay. Kusa itong nawawala dahil sa ating pagpapabaya. Anumang kaloob na hindi
ginamit nang tama ay nawawala nang kusa. Ang oras, talino at yaman na “ibinaon lang natin sa lupa” ay hindi tutubo at lalago sapagkat hindi natin ginamit ayon sa layunin ng nagkaloob. Bilang mga mabuting katiwala, palaguin at pagyamanin natin ang buhay na kaloob. Ilagak natin ito sa paglilingkod, pagbabahagi at paglingap.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





