Ebanghelyo: Mateo 28:1-10
Kinahapunan ng Araw ng Pahinga, sa paglabas ng unang bituin, sa unang araw ng sanlinggo, pumunta sa libingan si Maria Magdalena at ang isa pang Maria para tingnan ang libingan. Walang anuano’y lumindol nang malakas at bumaba mula sa langit ang Anghel ng Panginoon at nilapitan ang bato, pinagulong ito at naupo roon. Parang kidlat ang kanyang mukha at simputi ng niyebe ang kanyang damit. Nanginig naman sa takot ang mga bantay at naging parang mga patay. Sinabi ng Anghel sa mga babae: “Huwag kayong matakot; alam kong hinahanap ninyo si Jesus na ipinako sa krus. Wala siya rito; binuhay siya ayon sa kanyang sinabi. Tingnan ninyo ang lugar na pinaglibingan sa kanya. Pumunta kayo agad ngayon at sabihin sa kanyang mga alagad na muli siyang nabuhay at mauuna sa inyo sa Galilea. Makikita ninyo siya roon. Ito ang mensahe ko sa inyo.” Agad nilang iniwan ang libingan na natatakot at labis na nagagalak, at tumakbo sila para balitaan ang kanyang mga alagad. Nakasalubong nila sa daan si Jesus at sinabi niya: “Kapayapaan.” Paglapit sa kanya ng mga babae, niyakap nila ang kanyang mga paa at sinamba siya. Sinabi naman ni Jesus sa kanila: “Huwag kayong matakot. Humayo kayo at sabihin sa aking mga kapatid na pumunta sila sa Galilea; doon nila ako makikita.”
Pagninilay
Pagkatapos ng madugo at magulong kaganapan ng Biyernes Santo, biglang nanahimik ang buong sambayanan. Nanatili ang poot sa katahimikan ng karamihan sa salita at pagkatao ni Jesus, ang Diyos na walang pag-aalinlangan na dumapa sa bigat ng panghuhusga at parusa ng makamundo at makasarili niyang bayan. Ito’y para maiangat niya ang diwa ng kaniyang tunay na Sambayanang hinirang. Naramdaman din nila ang matinding takot sa pagkawala at pagkatalo ng kanilang ginigiliw na Panginoon kung kaya’t sila’y nagtago at nagbulungbulungan na lamang. Tahimik sa nakaraang kaganapan ang buong Jerusalem at ng Templong ipinaglaban ng Diyos. Ang Sabado ng maitim na katahimikan, ay siya ring Sabado ng Kadakilaan ng Panginoong nangako ng katuparan ng Salita ng Diyos. Mula sa katahimikan ng kanilang pangungulila sa Panginoon, ang malalim na pagmamahal ni Jesus sa kaniyang mga disipulo at sa kaniyang sambayanang umaasa ang kumilos na maiurong ang malaking bato at mabuksan ang yungib ng lungkot at pighati upang ang simoy ng bagong buhay ang siyang humalimuyak sa pangako ng Diyos ng Muling Pagkabuhay. Hanapin natin si Jesus! Wala siya sa kaniyang libingan! Ang lahat ng kaganapang ito ang siyang nagpatunay na mula sa kaniyang
sinabi sa atin ay mangyayari at matutupad. Kaya huwag tayong matakot! Maniwala! Manindigan! Ayon sa kaniyang mga ipinahayag… “Ako’y Buhay at ang aking pangako ay magaganap ngayon at magpasawalang hanggan!”
© Copyright Pang Araw-araw 2026





