Ebanghelyo: Mateo 26:14-25
At pumunta sa mga punong-pari ang isa sa Labindalawa, ang tinatawag na Judas Iskariote, at sinabi: “Magkano ang ibibigay ninyo sa akin kung ibibigay ko siya sa inyo?” Inalok nila ito ng tatlumpung baryang pilak, at mula noon, naghanap ito ng pagkakataong maipagkanulo siya.
Sa unang araw ng Piyesta ng Tinapay na Walang Lebadura, lumapit kay Jesus ang mga alagad at sinabi sa kanya: “Saan mo kami gustong maghanda ng Hapunang Pampaskuwa para sa iyo?” Sumagot si Jesus: “Puntahan ninyo ang lalaking ito sa lunsod at sabihin sa kanya: ‘Sinasabi ng Guro: malapit na ang oras ko at sa bahay mo ako magdiriwang ng Paskuwa kasama ng aking mga alagad’.”
At ginawa ng mga alagad ang lahat ng iniutos ni Jesus at inihanda ang Paskuwa.
Pagkalubog ng araw, nasa hapag si Jesus kasama ng Labindalawa. Habang kumakain sila, sinabi ni Jesus: “Talagang sinasabi ko sa inyo: ipagkakanulo ako ng isa sa inyo.” Lubha silang nalungkot at nagtanong ang bawat isa: “Ako ba, Panginoon?”
Sumagot siya: “Ang kasabay kong nagsawsaw ng tinapay sa plato ang magkakanulo sa akin. Patuloy sa kanyang daan ang Anak ng Tao ayon sa isinulat tungkol sa kanya ngunit kawawa ang nagkakanulo sa Anak ng Tao; mas mabuti pa para sa taong ito kung hindi na siya ipinanganak pa.” Nagtanong din si Judas na magkakanulo sa kanya: “Ako ba, Guro?” Sumagot si Jesus: “Ikaw na ang nagsabi.”
Pagninilay
Judas! Isang pangalan na naging pantukoy sa isang traydor. Batid ni Jesus na siya’y ipagkakanulo ngunit bakit ito’y kanyang hinayaang mang yari? Ang pagkakanulo ay bahagi ng riyalidad ng natura ng tao. Ano ang dahilan ng pagkakanulo ni Judas kay Jesus? Dahil ba ito sa pagiging ganid sa salapi kaya’t ipinagbili niya si Jesus? Dahil ba ito sa pagkabigo sa inaasahan niyang lider pulitikal na siyang magliligtas mula sa pananakop ng mga Romano? Hindi natin lubos na malalaman kung ano ang tunay niyang dahilan. Ngunit sa ating panig, alam nating maraming beses tayong nagtaksil sa Diyos sa bawat pagkakataon na nilalabag natin ang kanyang mga kautusan. Ngayong panahon ng Semana Santa, pagnilayan natin ang mga pagkakataong nagtaksil tayo sa Panginoon at ihingi natin ito ng kapatawaran.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023





