Ebanghelyo: Juan 18:1 – 19:42*
(…) Nangakatayo naman sa tabi ng krus ni Jesus ang Kanyang ina at ang kapatid na babae ng Kanyang ina, si Maria ni Cleofas at si Maria Magdalena. Kaya pagkakita ni Jesus sa ina at sa alagad na mahal Niya na nakatayo sa tabi, sinabi Niya sa Ina: “Babae, hayan ang anak mo!” pagkatapos ay sinabi naman Niya sa alagad: “Hayan ang iyong ina.” At mula sa oras na iyon, tinanggap Siya ng alagad sa Kanyang tahanan.
Pagkaraan nito, alam ni Jesus na ngayo’y natupad na ang lahat. Ngunit kailangang maganap ang Kasulatan, at sinabi Niya: “Nauuhaw ako!” May sisidlan doon na puno ng maasim na alak. Kaya ikinabit nila sa isopo ang isang esponghang ibinabad sa alak at idiniit sa Kanyang bibig. Pagkasipsip ni Jesus ng alak, sinabi Niya: “Natupad na!” At pagkayuko ng ulo’y ibinigay ang Espiritu.
Dahil paghahanda noon, ayaw ng mga Judio na ma malagi sa krus ang mga katawan sa Araw ng Pahinga sapagkat dakilang araw ang Araw na iyon ng Pahinga. At ipinakiusap nila kay Pilato na baliin ang mga binti ng mga nasa krus at saka alisin.
Kaya pumaroon ang mga sundalo. Binali nila ang mga binti ng una at ng isa pang kasama Niyang ipinako sa krus. Ngunit pagsapit nila kay Jesus, nakita nilang patay na Siya kaya hindi nila binali ang Kanyang mga binti. Gayunma’y sinibat ng isa sa mga sundalo ang Kanyang tagiliran, at biglang may umagos na dugo at tubig. Ang nakakita ang nagpapatunay, at totoo ang Kanyang patunay. At Siya ang nakaaalam na totoo ang sinasabi Niya para maniwala kayo.
Gayon kailangang maganap ang Kasulatan: Walang babaliin sa Kanyang mga buto. At sinasabi ng isa pang Kasulatan: Pagmamasdan nila ang kanilang sinibat.
Pagkatapos ay nakiusap kay Pilato si Joseng taga-Arimatea – alagad nga Siya ni Jesus pero palihim dahil sa takot sa mga Judio – upang maalis Niya ang katawan ni Jesus. At pinahintulutan Siya ni Pilato. Kaya pumaroon Siya at inalis ang katawan Niya. (…)
Pagninilay
“Hindi!” Tatlong beses binanggit ni Pedro ang salitang ito nang itinatwa niya si Jesus. Nag-iisa si Jesus sa pag harap sa mga pang-aalipusta, pag-uusig at pag-hatol sa kanya. Siya’y tinanggihan din ng mga taong mas piniling palayain si Barabas. Tatanggihan din ba natin si Jesus sa pakikiisa sa mga kapatid nating nagdurusa? Ang pagtatwa ni Pedro at ng mga Hudyo ay patuloy na nagaganap sa ating pagtalikod sa mga Kristiyanong pagpapahalaga. Maraming pagkakataong tinatanggihan natin ang mga taong nangangailangan na kumakatok sa pintuan ng ating bahay o sa bintana ng sasakyan. Madalas hindi natin binibigyang pansin ang mga usapin ng korupsyon, pang-aabuso sa mga dukha at sa kalikasan. “Natapos na!” Sumigaw si Jesus at namatay. Manalangin tayo na bigyan tayo ng lakas ng loob na wakasan ang pagtanggi sa mga gawang maka-Diyos. Isabuhay natin ang pagiging binyagan kung saan tayo’y namatay kasama ni Kristo upang tayo’y maging karapatdapat sa hinihintay na Muling Pagkabuhay.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023





