Ebanghelyo: Juan 8:21-30
Sinabi niyang muli sa kanila: “Aalis ako at hahanapin ninyo ako, at sa inyong kasalanan kayo mamamatay. Kung saan ako pupunta, hindi kayo makaparoroon.” Kaya sinabi ng mga Judio: “Magpapakamatay kaya siya kaya niya sinasabing ‘Kung saan ako pupunta, hindi kayo makaparoroon’?”
At sinabi ni Jesus sa kanila: “Taga-ibaba kayo; taga-itaas naman ako. Taga-mundong ito kayo. Hindi ako taga-mundong ito. Kaya sinabi ko sa inyo na sa inyong mga kasalanan kayo mamamatay. Sa inyong mga kasalanan nga kayo mamamatay kung hindi kayo maniniwalang Ako Siya. At sinabi nila sa kanya: “Sino ka ba?” sinabi naman sa kanila ni Jesus: “Ba’t pa kaya ako mangungusap sa inyo? Marami akong masasabi at mahuhukuman tungkol sa inyo. Totoo nga ang nagpadala sa akin; at ang narinig ko mula sa kanya ang mga ito ang sinasabi ko sa mundo.” Hindi nila naintindihan na ang Ama ang tinutukoy niya. At sinabi ni Jesus: “Kapag itinaas ninyo ang Anak ng Tao, maiintindihan ninyong Ako siya at wala akong ginagawa sa ganang sarili ko kundi ayon sa iniaral sa aking ng Ama – ang mga ito ang aking sinasabi. Kasama ko nga ang nagpadala sa akin at hindi niya ako iniiwang nag-iisa pagkat lagi kong ginagawa ang mga kalugud-lugod sa kanya.” Habang sinasabi ito ni Jesus, marami ang nanalig sa kanya.
Pagninilay
“Simbolo ng kaligtasan.” Napapagod ka na ba sa’yong paglalakbay sa buhay? Para bang paikot-ikot at paulit- ulit na lang ang mga isyu at problemang iyong pinagdadaanan? Sa Unang Pagbasa, napagod na sa kanilang paglalakbay sa ilang ang mga Israelita. Nagsawa na rin sila sa ipinadadalang manna sa kanila ng Diyos, kaya nag reklamo sila sa Diyos at kay Moises. Nagpadala ang Diyos ng ahas na apuy apuyan upang tuklawin sila at marahil upang turuan ng leksyon. Natakot ang mga Isarelita at pinagsisihan nila ang kanilang kasalanan. Dahil dito inutusan ng Diyos si Moises na maglagay ng ahas na tanso sa isang tikin at sinumang tumingin dito ay gagaling at muling mabubuhay. Ang ahas na tanda ng kaparusahan dahil sa kanilang kasalanan ay naging tanda ng kaligtasan at kagalingan.
Nalalapit na ang mga Mahal na Araw at makikita natin kung paanong ang krus na pinagpapakuan ng mga kriminal at makasalanan ay pagpapakuan kay Jesus. Ang krus na simbolo ng kasalanan ay magiging simbolo ng kaligtasan. Napapagod ka na ba sa’yong paglalakbay sa buhay? Sa halip na magreklamo, huminga at magpahinga ka sa Diyos, upang sa halip na maging dahilan ng paglayo sa Diyos, ang iyong krus ay maging daan ng kabanalan at kaligtasan.
© Copyright Pang Araw-araw 2025