Ebanghelyo: Juan 21:1-14
Pagkaraan ng mga ito, muling ibinunyag ni Jesus ang sarili sa mga alagad sa may Dagat ng Tiberias. Ganito ang kanyang pagbubunyag. Magkasamang naroon sina Simon Pedro, Tomas na tinaguriang Kambal, Natanael na taga-Cana ng Galilea, ang mga anak ni Zebedeo, at dalawa pa sa mga alagad niya. Sinabi sa kanila ni Simon Pedro: “Aalis ako para mangisda.” Sinabi nila sa kanya: “Sasama kami sa iyo.” Lumabas sila at sumakay sa bangka nang gabing iyo’y wala silang nahuli. Nang madaling-araw na, nakatayo si Jesus sa dalampasigan pero hindi nakilala ng mga alagad na si Jesus iyon. Tinatawag sila ni Jesus: “Mga bata, wala ba kayong isda?” Sumagot sila sa kanya: “Wala!” Kaya sinabi niya sa kanila: “Ihagis n’yo ang lambat sa bandang kanan ng bangka at makakatagpo kayo.” Kaya inihagis nga nila at hindi na nila makayang hilahin iyon dahil sa dami ng isda. Kaya sinabi kay Pedro ng alagad na iyon na mahal ni Jesus: “Ang Panginoon siya!” Nang marinig ni Simon Pedro na ang Panginoon iyon, ibinigkis niya ang [kanyang] damit dahil hubad siya, at saka tumalon sa dagat. Dumating namang sakay ng maliit na bangka ang iba pang mga alagad pagkat hindi sila kalayuan mula sa pampang kundi mga sandaang metro lamang. Hila-hila nila ang lambat ng mga isda. At pagkalunsad sa lupa, nakita nilang may nagbabagang uling doon, na pinagiihawan ng isda, at may tinapay. Sinabi sa kanila ni Jesus: “Magdala kayo mula sa mga isdang nahuli n’yo ngayon.” Kaya sumakay si Simon Pedro at hinila sa pampang ang lambat na puno ng sandaa’t limampu’t tatlong malalaking isda. At kahit na napakarami’y hindi napunit ang lambat. Sinabi sa kanila ni Jesus: “Halikayo’t mag-almusal!” Walang makapangahas sa mga alagad na mag-usisa sa kanya: “Sino ba kayo?” dahil alam nilang ang Panginoon iyon. Lumapit si Jesus at kumuha ng tinapay at ipinamahagi sa kanila. Gayundin sa isda. Ito ngayon ang ikatlong pagbubunyag ni Jesus sa mga alagad matapos siyang ibangon mula sa mga patay.
Pagninilay
“Mga bata, wala ba kayong isda?” Narito pa ang isang pagkakataon na humihingi ng pagkain si Jesus. Pero sa oras na ito ay humihingi siya upang kaniya mismong ihanda para sama-sama nilang kainin at makapag-almusal sila. Isang makabuluhang pagbabahaginan sa mesa ng ugnayan at pananampalataya. Ang isdang huli ay mula sa kanilang pagkilala at tiwala sa tinig, gabay at turo ng Panginoon kung saan nila matatagpuan ang mga isda. “Ang Panginoon siya!” At nakilala ng kanilang diwa si Jesus! Tulad ng makasaysayang pagtitipon sa kwarto ng Cenacle kung saan tinuruan sila ni Jesus sa kahulugan at halimbawa ng paghuhugas ng mga paa ng mga disipulo, sa baybayin ng Dagat ng Tiberias naman ay ipinapaalala at itinuturo ng Panginoon ang halimbawa at kahulugan ng pagiging mangingisda ng tao at ng pakikiisa sa hapag pagsasamahan. Tayo ay pinaghandaan at pinakain ng Panginoon ng pagkain na mula sa loob at kalooban nating natuto sa paninidigan at pagtitiwala natin sa Salita ng Diyos at ng ating pananampalataya. Hihingin din natin sa kalooban ng tao ang biyayang nakaugat sa diwa ng tao.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





