Ebanghelyo: Juan 3:16-21
Ganito nga kamahal ng Diyos ang mundo! Kayat ibinigay niya ang kanyang bugtong na anak upang hindi na mawala ang bawat nananalig sa kanya kundi magkaroon ng buhay magpakailanman.
Hindi nga sinugo ng Diyos sa mundo ang Anak upang hukuman ang mundo kundi upang maligtas ang mundo sa pamamagitan niya. Hindi hinuhukuman ang nananalig sa kanya. Ngunit hinukuman na ang hindi nananalig pagkat hindi siya nananalig sa Ngalan ng bugtong na Anak ng Diyos.
Ito ang paghuhukom: dumating sa mundo ang liwanag pero mas minahal pa ng mga tao ang karimlan kaysa liwanag sapagkat masasama ang kanilang gawa. Ang gumagawa ng masama’y napopoot nga sa liwanag at hindi lumalapit sa liwanag, at baka malantad ang kanyang mga gawa. Lumalapit naman sa liwanag ang gumagawa ng katotohanan upang mabunyag na sa Diyos ginagawa ang kanyang mga gawa.
Pagninilay
Nangangapa sa dilim. Ito ang limitasyon natin sa gitna ng dilim. Tila nabubulag tayo sapagkat hindi natin nakikita ang tunay na anyo at kulay ng mga bagay-bagay. Limitado ang ating mga pagkilos at walang kasiguruhan ang ating pupuntahan. Limitado ang ating mga pagkilos at walang kasiguruhan ang ating pupuntahan. Kung kaya nga’t sa gitna ng kadiliman, unang hinahanap ang anumang makapagbibigay ng liwanag. Sa kadiliman ng buhay na dulot ng ating kasalanan, tanging si Jesus lamang na muling nabuhay ang makapagbibigay ng tunay na liwanag. Winasak ang kadiliman ng kamatayan ng liwanag ng muling pagkabuhay. At tayo rin bilang mga anak ng Muling Pagkabuhay ay mga anak ng liwanag. Magsilbi nawa tayong liwanag sa pamamagitan ng mabubuting salita at gawa, ng pag-ibig at awa, at pagtulong sa kapuwa.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021