Ebanghelyo: Juan 20:1-9 (o Marcos 16:1-7 o Lucas 24:13-35)
Ngayon, pagkatapos ng Araw ng Pahinga, habang madilim pa, maagang pumunta sa libingan si Maria Magdalena, nang makita niyang tanggal ang bato mula sa libingan, patakbo siyang pumunta kay Simon Pedro at sa isa pang alagad na mahal ni Jesus. Sinabi niya sa kanila: “May kumuha sa Panginoon mula sa libingan, at hindi namin alam kung saan nila siya inilagay.” Kaya lumabas si Pedro at ang isa pang alagad, at pumunta sa libingan. Sabay na tumakbo ang dalawa. Ngunit mas mabilis tumakbo kay Pedro ang isa pang alagad, at unang nakarating sa libingan. Pagkayuko niya’y nakita niyang nakalatag ang mga telang linen pero hindi siya pumasok. Dumating namang kasunod niya si Simon Pedro, at pumasok sa libingan. Napansin niya ang mga telang linen na nakalatag, at ang panyo namang nakatalukbong sa ulo niya ay di kasama sa mga telang linen na nakalatag kundi hiwalay na nakabilot sa mismong lugar nito. Pumasok noon ang isa pang alagad, ang unang nakarating sa libingan, at nakita niya at siya’y naniwala. Sapagkat hindi pa nila alam ang Kasulatan na kailangan siyang magbangon mula sa mga patay.
Pagninilay
“Ang rurok ng pananampalatayang Kristiyano.” Ang Pasko ng Pagkabuhay ang Kapistahan ng lahat ng Kapistahan. Ito ang rurok ng ating pananampalatayang Kristiyano. Kung hindi Muling Nabuhay si Kristo, walang kabuluhan ang ating pinanampalatayanan at lahat ng ating pagdiriwang. Kaya nga, tunay na Araw ngayon ng Maykapal, magalak tayo at magdiwang! Kung mayroon mang alagad na nakasaksi ng Muling Pagkabuhay ni Jesus at naranasan ang kahulugan nito sa sa kanyang buhay, ito ay si Pedro. Bagama’t hinirang bilang lider ng mga alagad, tatlong beses na itinatwa ni Pedro ang Panginoon Jesus. Tumakbo sya at nagtago dahil sa takot sa mga Hudyo. Malaking kabiguan at kahihiyan ang kanyang narasanan. Sa kabila nito, nanatili ang paghirang ng Panginoon kay Pedro bilang batong pinagkatiwalaan ng susi ng simbahan. Ipinalangin nya ang kanyang pagbabagong loob upang palakasin ang loob ng mga alagad. Kaya nga sa Unang Pagbasa kitang kita ang bagong buhay at bagong sigla na taglay ni Pedro sa pangangaral ng Mabuting Balita. Sapagkat naranasan ni Pedro ang sinasabi sa Ikalawang pagbasa na pagbangon kasama ni Kristo. Totoo itinatwa nya ang Panginoon. Totoo, nagtago sya sa takot subalit hindi hinayaan ni Pedro na manatili sya sa kabiguan. Sa halip, bumangon sya kaisa ng Panginoong Muling Nabuhay. Tulad ni Pedro maraming beses din nating itinatatwa ang Panginoon sa tuwing tayo’y nagkakasala at hindi naisasabuhay ang tawag ng Mabuting Balita na mabuhay sa pag-ibig. Gayun pa man, ipinakaloob na sa atin ang biyayang lampasan ang kahinaan ng ating lumang pagkatao at magkaroon ng bagong buhay kay Kristo.
© Copyright Pang Araw-araw 2025