Ebanghelyo: Juan 6:35-40
Sinabi ni Jesus sa kanila: “Ako siyang tinapay ng buhay. Hinding-hindi magugutom ang lumalapit sa akin at hindinghindi mauuhaw kailanman ang nananalig sa akin. Pero sinabi ko sa inyo: nakita n’yo, at hindi naman kayo naniniwala.
Lalapit sa akin ang bawat ibinibigay sa akin ng Ama, at hinding-hindi ko ipagtatabuyan sa labas ang lumalapit sa akin. Sapagkat pumanaog ako mula sa Langit hindi para gawin ang aking kalooban kundi ang kalooban ng nagpadala sa akin.
Ito ang kalooban ng nagpadala sa akin: na huwag kong pabayaang mawala ang bawat ibinigay niya sa akin; sa halip ay itatayo ko ito sa huling araw. Ito nga ang kalooban ng Ama ko: magkakaroon ng buhay magpakailanman ang bawat pumapansin sa Anak at nananalig sa kanya, at itatayo ko siya sa huling araw.”
Pagninilay
Gaano kabuti sa pakiramdam ang matantong may isang tao na walang sawang mag-aaruga at magmamahal sa atin? Nakakataba ng puso ang mabatid na may isang tao na nagmamahal at nagbibigay sa atin ng halaga. Ito ang mga pangako ni Jesus. Tanggihan man tayo at itakwil ng maraming tao subalit wika ni Jesus, “Hindinghindi ko ipagtatabuyan sa labas ang lumalapit sa akin.” Hindi man tayo pansinin at bigyang halaga ng iba subalit wika ni Jesus “Hindi ko pababayaang mawala ang bawat ibinigay niya sa akin.” Madapa man tayo, malugmok at yapak-yapakan ng iba, pangako ni Jesus, “Itatayo ko ito sa huling araw.” Ganito tayo kahalaga at ka-espesyal sa Kanya. Ito rin ang kalooban ng Ama.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021