Ebanghelyo: Mateo 28:8-15
Agad nilang iniwan ang libingan na natatakot at labis na nagagalak, at tumakbo sila para balitaan ang kanyang mga alagad. Nakasalubong nila sa daan si Jesus at sinabi niya: “Kapayapaan.” Paglapit sa kanya ng mga babae, niyakap nila ang kanyang mga paa at sinamba siya. Sinabi naman ni Jesus sa kanila: “Huwag kayong matakot. Humayo kayo at sabihin sa aking mga kapatid na pumunta sila sa Galilea; doon nila ako makikita.” Samantalang pabalik ang mga babae, nagbalik naman sa lunsod ang ilang mga bantay at ibinalita sa mga punongpari ang lahat ng nangyari. Nakipag-usap naman ang mga ito sa mga Matatanda ng bayan kaya kumuha sila ng sapat na halaga at ibinigay sa mga sundalo, at tinagubilinan silang “Sabihin ninyong dumating nang gabi ang kanyang mga alagad at ninakaw ang katawan habang natutulog kayo. Kung mabalitaan ito ng gobernador, kami ang bahala sa kanya at hindi kayo magkakaproblema.” Tinanggap ng mga sundalo ang pera at ginawa ang itinuro sa kanila; at laganap pa hanggang ngayon ang kuwentong ito sa mga Judio.
Pagninilay
“Pumunta sila sa Galilea.” Kapag may mag-asawa na nagdaranas ng krisis, madalas ang ipinapayo sa kanila ay balikan ang kwento ng kanilang pag-ibig. Saan sila unang nagtagpo? Paano sila nagkakilala? Ganito rin ang payo sa mga pari o madreng nag-iisip lumabas. Balikan ang pagtawag ng Panginoon. Balikan ang “vocation story.” Sa pamamagitan ng pagaalaala ng unang tagpuan, pinapanauli ang unang alab at unang inspirasyon ng tawag na magmahal sa buhay bilang mag asawa o buhay bilang pari, madre o mongha. Sa Unang Pagbasa, makikita natin si Pedro na patuloy na nagbibigay saksi sa Panginoong Muling Nabuhay sa pamamagitan ng pagbabalik-tanaw sa mga nangyari sa buhay ni Jesus. Sa Ebanghelyo, pinapunta ni Jesus ang mga alagad sa Galilea. Ang Galilea ang unang tagpuan ni Jesus at ng mga Alagad. Dito nila napakinggan ang kanyang personal na pagtawag sa kanilang pangalan upang makasama sa pagpapahayag ng paghahari ng Dios. Kaya nga sa Galilea sila pinapunta upang palakasin ang kanilang lupaypay na kaluluwa at katawan pagkatapos na masaksihan ang kanyang kalunos lunos na kamatayan. Sa Galilea, muli silang tatawagin at bubuhayin. Ikaw, saan ang Galilea mo? Bumalik ka na ba upang palakasin at panibaguhin ang iyong pagtawag,
direksyon at misyon?
© Copyright Pang Araw-araw 2025