Ebanghelyo: Marcos 16:9-15
Pagkabuhay ni Jesus sa unang araw ng sanlinggo, una siyang napakita kay Maria Magdalena na mula rito’y pitong demonyo ang pinalayas niya. Umalis ito at nagbalita sa mga kasama ni Jesus na noo’y umiiyak at nagluluksa. Ngunit hindi sila naniwala sa kanya nang marinig nilang buhay si Jesus at napakita sa kanya. Pagkatapos nito, napakita naman si Jesus sa ibang anyo sa dalawa sa kanila habang papunta sila sa labas ng bayan. At pagbalik nila, ibinalita rin nila ito sa iba pa pero hindi rin naniwala ang mga ito sa kanila. Sa dakong huli, nang nasa hapag ang Labing-isa, napakita sa kanila si Jesus at pinagsabihan sila dahil sa kawalang-paniwala nila at katigasan ng puso: hindi nga nila pinaniniwalaan ang mga nakakita sa kanya matapos siyang buhayin. At sinabi sa kanila: “Pumunta kayo sa buong daigdig at ipahayag ang ebanghelyo sa buong sangkinapal.
Pagninilay
“Pinuntahan, kinatagpo niya sila.” May paborito akong kasabihan mula sa mga Heswita, “God meets us where we are.” Ipinaalala nito sa atin na kahit nasaan tayo, pupuntahan tayo doon ng Diyos, kahit anong kalagayan natin, tatagpuin tayo doon ng Diyos. Gagawa at gagawa sya ng paraan para makatagpo N’ya tayo. At ito nga ang unang ginawa ni Jesus nang muli syang nabuhay, ang magpakita sa kanyang mga alagad. Pinuntahan, kinatagpo nya sila kung saan sila naroroon. Una syang nagpakita kay Magdalena na unang dumalaw sa libingan. Madilim dilim pa ng araw ng linggo. Sinabayan din nya yung dalawang alagad sa kanilang paglalakbay pabalik ng Emmaus. Nakisali sa usapan at nakikain pa gaya ng ginagawa nya dati sa kanila. Binulaga din nya ang mga matatakutin at mga nagluluksa na nasa loob ng bahay nang nagpakita sya sa harap nila kahit nakasarado ang mga pintuan. Pinuntahan din nya ang mga alagad nangingisda sa dagat ng Tiberias. Tinulungan sila na makakuha ng maraming huli. At nakipag-ihaw at agahan pa sa kanila. Hanggang sa ngayon, nagpapakita ang Panginoong Muling Nabuhay. Kinakatagpo niya tayo kung nasaan man tayo. At nalalaman natin na ang Panginoon Sya kung ang ating kalungkutan at luha ay napalitan ng tuwa at kagalakan.
© Copyright Pang Araw-araw 2025