Ebanghelyo: Juan 20:19-31
Agaw-dilim na noon sa unang araw na iyon ng sanlinggo at nakasara ang mga pinto sa kinaroroonan ng mga alagad dahil sa takot sa mga Judio, dumating si Jesus at pumagitna. At sinabi niya sa kanila: “Kapayapaan sa inyo!” Pagkasabi nito, ipinakita niya sa kanila ang mga kamay at ang tagiliran. Kaya nagalak ang mga alagad pagkakita nila sa Panginoon.
At muli niyang sinabi sa kanila: “Kapayapaan sa inyo! Kung paanong isinugo ako ng Ama, ipinadadala ko rin kayo.” At pagkasabi nito, hiningahan niya sila at sinabi: “Tanggapin ang Espiritu Santo! Patatawarin ang mga kasalanan ninuman na inyong patawarin; at pananatiliin naman sa sinuman ang inyong panatiliin.” Hindi nila kasama si Tomas na tinaguriang Kambal, na isa sa Labindalawa, nang dumating si Jesus. Kaya sinabi sa kanya ng iba pang mga alagad: “Nakita namin ang Panginoon!” Sinabi naman niya: “Maliban lamang na makita sa kanyang mga kamay
ang tatak ng mga pako at maipasok ang aking daliri sa pinaglagusan ng mga pako at maipasok ang aking kamay sa tagiliran niya, hinding-hindi ako maniniwala!” Makaraan ang walong araw, muling nasa loob ang kanyang mga alagad at kasama nila si Tomas. Dumating si Jesus habang nakasara ang mga pinto at pumagitna. At sinabi niya: “Kapayapaan sa inyo!” At sinabi niya kay Tomas: “Ilapit mo rito ang daliri mo at tingnan ang aking mga kamay. At ilapit ang kamay mo at ipasok sa aking tagiliran at huwag
tumangging maniwala kundi maniwala!” Sumagot si Tomas sa kanya: “Panginoon ko at Diyos ko – ikaw!” Sinabi sa kanya ni Jesus: “Dahil ba sa nakita mo ako kaya ka naniniwala? Mapapalad ang mga hindi nakakita at naniniwala.” Ngayon, marami pang ibang tandang ginawa si Jesus sa harap ng kanyang mga alagad, na hindi naman nasusulat sa kasulatang ito. Isinulat naman ang mga ito upang maniwala kayo na si Jesus ang Kristo, ang Anak ng Diyos. At sa paniniwala ninyo’y magkaroon kayo ng buhay sa bisa ng kanyang Pangalan.
Pagninilay
“Panginoon ko at Diyos ko.” Kahanga-hanga ang kapangyarihan ng Panginoong Muling Nabuhay na magbago ng buhay ng mga taong sumusunod sa kanya. Kung tunay ang ating ugnayan sa Panginoon, mararanasan natin ang kapangyarihan ng Diyos na magbago ng ating katauhan at buhay. Ito ang karanasan ng mga apostol sa Unang Pagbasa. Ang mga walang pinag-aralan ay naging tagapangaral, ang mga matatakutin ay buong tapang na nagpapatotoo, at ang mga ordinaryong alagad ay nagpapagaling at naging instrumento ng paglaganap ng pananampalataya. Binago ng Panginoon ang kanilang buhay kaya nga
buong tapang nilang ipinapahayag ang kanilang naranasan at nasaksihan at naging daan sila ng pagbabago ng mga kapwa Hudyo at pagano, at pagbubuo ng unang sambayanang Kristiyano. Ito rin ang karanasan ni Juan sa Ikalawang pagbasa. Inusig sya at ipinatapon sa pulo ng Patmos dahil sa kanyang pagpapatotoo kay Jesus. Subalit hindi naging hadlang ang pagkakapatapon upang ipagpatuloy na ang pagpapatotoo sa Panginoon sa pamamagitan ng pagsusulat ng kanyang mga pangitain tungkol kay Jesus bilang simula at hantungan ng lahat sa Aklat ng Pahayag. At sa Ebanghelyo, hindi rin naging hadlang ang nakapinid na pinto dahil sa takot ng mga alagad upang makapasok at magpakita sa kanila ang Panginoong Muling Pagkabuhay. Kahit ang pagdududa ni Tomas sa halip na maging hadlang ay naging daan ng kanyang pagpapatotoo at pagpapahayag ng pananampalataya kay Jesus bilang kanyang Panginoon at Diyos. Kung tunay ang ating ugnayan kay Jesus, babaguhin tayo ng kapangyarihan ng Panginoon at gagawin Niya tayong instrumento ng pagbabago ng ating kapwa, bansa, at mundo.
© Copyright Pang Araw-araw 2025