Ebanghelyo: Jn 14: 21-26
Ang tumutupad sa tinanggap niyang mga kautusan ko, siya ang nagmamahal sa akin. Mamahalin ng aking Ama ang nagmamahal sa akin, at mamahalin ko rin siya at ipamamalas ko sa kanya ang aking sarili.”
Sinabi sa kanya ni Judas, hindi ang Iskariote: “Panginoon, paano mangyayaring sa amin mo ipamamalas ang iyong sarili at hindi sa mundo?” Sumagot si Jesus at sinabi sa kanya: “Kung may nagmamahal sa akin, isasakatuparan niya ang aking salita at mamahalin siya ng aking Ama at pupuntahan namin siya at sa kanya kami gagawa ng silid para sa aming sarili. Hindi naman isinasakatuparan ng hindi nagmamahal sa akin ang aking mga salita. At hindi sa akin ang salitang naririnig n’yo kundi sa Amang nagpadala sa akin. Sinabi ko sa inyo ang mga ito habang namamalagi pa akong kasama ninyo. Ituturo naman sa inyo ng Tagapagtanggol ang lahat – ang Espiritu Santong ipadadala ng ama sa ngalan ko – at ipaaalaala niya sa inyo ang lahat ng sinabi ko sa inyo.
Pagninilay
Ang sukatan ng tunay na pagmamahal kay Jesus ay ang pagsunod at pagsasabuhay ng Kanyang Utos, na nakikita kung paano tayo nakikipagkapwatao. Kung paano natin pinahahalagahan at pinagsisilbihan ang ating kapwa, lalo na ang mga mahihina at walang kakayahang ipagtanggol ang sarili. Tulad ng sinabi ni Jesus, “Kung ano ang ginawa mo sa pinakamaliit sa mga kapatid ko ay ginagawa mo para sa akin.” (Mateo 25:40) At dahil dito makikita ng Ama ang ating pagmamahal kay Jesus at
maninirahan Sila sa atin! Hindi ang ating mataas na kaalaman at karunungang o ang ating mga salita gaano man ito kahusay, o ang mga maraming gawain na ang magbubukas ng daan para manahan ang Diyos sa atin kundi kung ano ang nasa ating puso at ang diwa ng ating mga ginagawa. At magagawa lamang natin ito sa pamamagitan ng tulong ng Espiritu Santo. Siya ang Lakas na magbibigay sa atin ng kakayahang tuparin ang kautusan ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024