Ebanghelyo: Juan 3:7b-15
Huwag kang magtaka dahil sinabi ko sa iyong kailangan kayong isilang mula sa itaas. Umihip ang hangin kung saan nito nais, at naririnig mo
ang ihip nito pero hindi mo alam kung saan ito galing at kung saan ito patungo. Gayon din nga ang bawat isinilang mula sa Espiritu.” Sumagot sa kanya si Nicodemo: “Paano pupuwede ang mga ito?” Sinabi sa kanya ni Jesus: “Ikaw ang guro ng Israel at hindi mo alam ang mga ito? Talagang-talagang sinasabi ko sa iyo: ang alam namin ang aming sinasabi at ang nakita namin ang aming pinatutunayan, at hindi naman n’yo tinatanggap ang aming patunay. Mga bagay na nga sa lupa ang sinasabi ko sa inyo at hindi kayo naniniwala, kaya paano kayo maniniwala kapag mga bagay sa langit ang sasabihin ko sa inyo. Walang umakyat sa langit maliban sa bumaba mula sa langit – ang Anak ng Tao. At kung paanong itinaas ni Moises ang ahas sa disyerto, gayundin dapat itaas ang Anak ng Tao upang magkaroon ng buhay magpakailanman ang bawat nananalig sa kanya.
Pagninilay
“Kailangan kayong isilang mula sa itaas.” Hindi lahat ng pagkakaisa ay galing sa Diyos. May mga taong nagsasabwatan, nagkakampikampi at di umano’y nagkakaisa pero ang totoo pare parehong gusting makaisa tulad nina Poncio Pilato, Herodes, pati ang mga pagano at ang bayan ng Israel na nagkaisa upang ipapatay si Jesus na hadlang sa kanilang personal na interes. Ang tunay na pagkakaisa ay ang pagkakaisang kaloob ng Espiritu Santo tulad ng pagkakaisa ng unang sambayanang Kristiyano sa Unang Pagbasa. Isinilang sa Espiritu nagkaisa sila sa puso’t diwa. Hindi nila inangkin ang kanilang ari-arian subali’t ibinahagi sa lahat ayon sa
pangangailangan ng bawat isa. Kapag naranasan mo ang ganitong pagkakaisa sa iyong tahanan, sambayanan alam mong di nagiisa.
Sa kabilang dako, sa Ebanghelyo, makikita natin na bagama’t kaisa ng mga Pariseo, hindi natagpuan ni Nicodemo ang pagkakaisa sa kapwa Pariseo kaya nga sa Ebanghelyo kahapon, nag-iisa syang nagtungo kay Jesus ng gabi. Sa ating buhay, inaanyayahan tayo na makipag-isa kay Kristo. Ang nakipagkaisa sa kanya ay isinilang na sa Espiritu. Kung tayo ay nabubuhay sa Espiritu, tayo ay lumalakad sa liwanag at hindi sa dilim ng gabi. Wala tayong inililihim o itinatago na ikinakatakot na mabunyag. Tayo ay bagong nilalang na isinilang kay Kristo Jesus.
© Copyright Pang Araw-araw 2025