Ebanghelyo: Mateo 14:22-36 (o Mateo 15:1-2, 10-14)
Agad pinasakay ni Jesus sa bangka ang mga alagad at pinauna sa kabilang ibayo habang pinaaalis niya ang mga tao. At pagkaalis ng mga tao, mag-isa siyang pumunta sa kaburulan para manalangin. Nag-iisa siya roon nang gumabi. Samantala, malayo na sa lupa ang bangka, sinasalpok ng mga
alon sapagkat pasalungat ang hangin. Nang madaling-araw na, pinuntahan sila ni Jesus na naglalakad sa dagat. Nang makita nila siyang naglalakad sa dagat, natakot sila, at akala nila’y multo siya. Kaya sumigaw sila. Ngunit agad niyang sinabi sa kanila: “Lakasan ang loob! Ako ito, huwag kayong matakot.” Sumagot si Pedro: “Panginoon, kung ikaw nga, papuntahin mo ako sa iyo na naglalakad sa tubig.” At sinabi niya: “Halika.” Bumaba naman sa bangka si Pedro at naglakad sa tubig papunta kay Jesus. Ngunit natakot siya sa harap ng malakas na hangin at nagsimulang lumubog. Kaya sumigaw siya: ”Panginoon, iligtas mo ako!” Agad na iniunat ni Jesus ang kanyang kamay at hinawakan siya, at sinabi: “Taong maliit ang pananampalataya, bakit ka nag-alinlangan?” Nang nakasakay na sila sa bangka, tumigil ang hangin. At yumuko sa harap ni Jesus ang mga nasa bangka at sinabi: “Totoo ngang ikaw ang Anak ng Diyos!” Pagkatawid nila, dumating sila sa pampang ng Genesaret. Nakilala si Jesus ng mga tagaroon at ipinamalita nila sa buong kapaligiran. Kaya dinala nila sa kanya ang mga maysakit. May nakiusap sa kanya na mahipo man lamang sana nila ang laylayan ng kanyang damit, at gumaling ang lahat ng humipo rito.
Pagninilay
“Taimtim na manalangin.” “At pagkaalis ng mga tao, mag-isa siyang pumunta sa kaburulan para manalangin. Nag-iisa siya roon hanggang gumabi.” Ano ang sikreto ni Jesus sa kanyang katapatan sa misyon? Saan siya kumukuha ng lakas upang magawa ang maraming himala at magpagaling ng mga maysakit? Siya’y pumupunta sa kaburulan upang manalangin. Ang panahon ng katahimikan kasama ang Diyos Ama ay ang susi ng kanyang buhay. Tinuruan pa niya ang mga alagad na dasalin ang
“Ama Namin” upang maunawaan ng mga alagad na ang Diyos ay malapit sa kanyang mga anak. Kung ibinigay niya ang Bugtong na Anak upang mag-alay ng buhay sa Krus ng Kalbaryo, ano pa kaya ang hindi niya maibibigay sa atin na naninikluhod sa kanyang harapan. Sa panalangin para tayong mga cellphone na muling pinalalakas ang ating mga baterya upang makapagtrabaho muli. Sa panalangin nakikita natin ang plano at kalooban ng Diyos. Sa panalangin ipinahahayag natin ang ating pagtugon sa walang hanggang pag-ibig ng Diyos na naunang nagmahal sa atin. Nanghihina ka ba kapatid? Subukan mong taimtim na manalangin!
© Copyright Pang Araw-araw 2025