Ebanghelyo: Mt 16: 24-28
At sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Kung may ibig sumunod sa akin, itakwil ang kanyang sarili at kunin ang kanyang krus para sumunod sa akin. Sapagkat ang naghahangad na magligtas ng kanyang sarili ang mawawalan nito ngunit ang naghahangad na mawalan ng sarili alang-alang sa akin ang makakatagpo nito. Ano ang pakinabang ng tao tubuin man niya ang buong daigdig kung sarili naman niya ang mawala? Ano ang maibibigay niya para mabawi ito? Darating nga ang Anak ng Tao taglay ang kaluwalhatian ng kanyang Ama at kasama rin ang kanyang mga banal na anghel, at doon niya gagantimpalaan ang bawat isa ayon sa kanyang mga gawa. Totoong sinasabi ko sa inyo na makikita ng ilan sa inyo ang Anak ng Tao na dumarating bilang Hari, bago sila mamatay.”
Pagninilay
Likas sa tao ang pagiging makasarili at nakatuon sa mga pangangailangan at kaligayahan ng sarili. Si Jesus na mismo ang nagsabi na pilit nating tunguhin ang “makipot na pintuan” (Lucas 13:24) kung nais nating makamtam ang biyaya na makapiling Siya sa kaharian ng Kanyang Ama. Kung aasa lang ang tao sa kanyang kakayahan, ang pagiging alagad at tagasunod ni Jesus ay isang imposibleng gawain. Ito ang pagpapatunay na ang pagiging tunay na alagad ay isang bokasyon at biyaya. Sa madaling salita, ang pagsunod kay Jesus ay isang tawag. Tinatawag at inaanyayahan ni Jesus ang bawat alagad Niya, at binigyan Niya ng Espiritu Santo na siyang gabay at pwersa upang masunod ang Kanyang mga turo. Ang Espiritu ni Jesus ang nagbibigay ng sapat na mga biyaya upang may lakas ang bawat alagad Niya. Kaya hindi maaaring hindi nagdarasal ang isang alagad dahil sa panalangin niya, nagkakaroon siya ng biyayang galing sa Diyos upang maisagawa niya ang turo ni Jesus at magampanan ang misyon na ibinahagi ng Diyos sa kanya.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024





