Ebanghelyo: Mateo 17:14-20
Pagdating nila sa kinaroroonan ng mga tao, lumapit kay Jesus ang isang lalaki, lumuhod sa harap niya at nagsabi: “Ginoo, maawa ka sa aking anak na lalaki na may epilepsi at lubhang nahihirapan. Madalas siyang mahulog sa apoy at kung minsan nama’y sa tubig. Dinala ko na siya sa mga alagad mo pero hindi nila siya napagaling.” Sumagot si Jesus: “Mga walang pananampalataya at ligaw na tao kayo! Gaano pa katagal na panahon ako mananatili sa piling ninyo? Hanggang kailan ako magtitiis sa inyo? Dalhin
siya rito sa akin.” At inutusan ito ni Jesus, at umalis sa kanya ang masamang espiritu. At gumaling ang bata sa sandaling iyon. Pagkatapos ay nilapitan si Jesus ng mga alagad, at tinanong nang sarilinan: “Bakit hindi namin napalayas ang espiritu?” Sinabi ni Jesus sa kanila: “Sapagkat maliit ang inyong pananampalataya. Kung may pananampalataya kayong sinlaki
ng buto ng mustasa, masasabi sana ninyo sa bundok na ito na gumalaw mula rito at gagalaw ito. At walang magiging imposible para sa inyo.
Pagninilay
“Makinig sa tinig ng Diyos.” “Makinig ka Israel! Si Yaweng Diyos ay isang Yawe. Mahalin mo si Yawe na iyong Diyos nang buo mong puso, nang buo mong kaluluwa, at nang buo mong lakas.” “Shema, Israel”, makinig
ka Israel! Gaano kahalaga ang makinig sa Diyos? May mga taong maraming plano para sa Diyos; gusto nilang maglingkod sa Diyos; maglaan ng kanilang panahon at lakas para sa Diyos. Ngunit ano nga ba ang gusto ng Diyos? Malalaman lamang natin ito kung tayo ay makikinig muna sa kanya. Sa katahimikan ng pananalangin, mapapakinggan natin ang tinig ng Diyos. Sa pagbabasa at pagninilay ng Bibliya, maririnig natin ang boses ng Diyos. Sa mga pangyayari sa atin buhay at sa mundo, nagsasalita din ang Diyos.
Bago natin mahalin ang Diyos ng buong puso, buong pag-iisip, at buong lakas pakinggan muna natin siya upang maunawaan natin ang laki at lawak, ang lalim at taas ng kanyang pagmamahal sa atin. Sa katunayan, tayo ay tumutugon lamang sa Diyos na unang nagmahal sa atin.
© Copyright Pang Araw-araw 2025