Ebanghelyo: Lucas 12:32-48
Huwag kang matakot, munting kawan, sapagkat ikinalugod ng inyong Ama na ibigay sa inyo ang Kaharian. Ipagbili ninyo ang inyong mga ari-arian at maglimos. Gumawa kayo ng mga pitakang di naluluma, kayamanang di mawawala na nasa Diyos. Wala nga roong makalalapit na magnanakaw o makasisirang kulisap. Sapagkat kung nasaan ang inyong
kayamanan, naroon din ang inyong puso.Maghintay kayong bihis at handang maglingkod, na may nakasinding mga lampara. Maging tulad kayo ng mga taong naghihintay sa kanilang panginoon. Pauwi siya mula sa kasalan at agad nilang mabubuksan ang pinto pag dating niya at pag katok. Mapalad ang mga lingkod na iyon na matatagpuang naghihintay sa panginoon pagdating niya. Maniwala kayo sa akin, isusuot niya ang damit
pantrabaho at pauupuin sila sa hapag at isa-isa silang pagsisilbihan. Dumating man siya sa hatinggabi o sa madaling-araw at matagpuan niya silang ganito, mapalad ang mga iyon! Isipin ninyo ito: kung nalaman lamang ng may-ari ng bahay kung anong oras ng gabi ang dating ng magnanakaw, hindi sana niya pababayaang looban ang kanyang bahay. Kaya maging handa kayo sapagkat dumarating ang Anak ng Tao sa oras
na hindi ninyo inaakala.” Sinabi ni Pedro: “Panginoon, kanino mo ba sinasabi ang talinhagang ito, sa amin o sa lahat?” Sumagot ang Panginoon: “Isipin ninyo ito: may tapat at matalinong katiwala na pangangasiwain ng panginoon sa kanyang mga tauhan para bigyan sila ng rasyon sa tamang oras. Kung sa pagdating ng kanyang panginoon ay matagpuan siya nitong
tumutupad nang gayon, mapalad ang lingkod na iyon. Talagang sinasabi ko sa inyo, pangangasiwain siya nito sa lahat nitong ari-arian. Ngunit maaari namang maisip ng lingkod na iyon: ‘Matatagalan pang dumating ang panginoon ko’ at simulang pagmalupitan ang mga utusang lalaki at babae, at kumain, uminom at maglasing. Ngunit darating ang panginoon ng lingkod na iyon sa araw na di niya inaasahan at sa oras na di niya nalalaman. Palalayasin niya ang katulong na ito at pakikitunguhang gaya ng mga di-tapat. Maraming hampas ang tatanggapin ng katulong na nakaaalam sa kalooban ng kanyang panginoon pero hindi naghanda ni sumunod sa kalooban niya. Kaunti lang naman ang tatanggapin ng walang nalalaman sa kalooban niya ngunit gumawa ng mga bagay na dapat parusahan. Hihingan nga ng marami ang binigyan ng marami at hihingan nang higit ang pinagkatiwalaan nang higit.
Pagninilay
“Ano ang tunay na yaman?” “Huwag kang matakot, munting kawan, sapagkat ikinalugod ng inyong Ama na ibigay sa inyo ang Kaharian. Ipagbili ninyo ang inyong ari-arian at manglimos. Gumawa kayo ng mga pitakang di naluluma o makasisirang kulisap. Sapagkat kung nasaan ang kanyang kayamanan, naroon din ang inyong puso.” Umalis na malungkot ang mayamang binata dahil hindi kayang ipagbili ang kanyang ari-arian at ipamigay sa dukkha. Subalit iba ang naging tugon ni San Antonio Abad at San Roque, kapwa nila ipinagbili ang kanilang yamang namana sa mga magulang at ipinamahagi sa mga dukha. Si San Antonio Abad ay nagpunta sa disyerto ng Ehipto at dun inialay ang buhay sa pananalangin, pag-aayuno at paglilingkod sa Diyos. Samantalang si San Roque naman ay nagpilgrimage sa Roma at nung magkaroon ng matinding pandemya ay naglingkod sa mga maysakit hanggang siya mismo ay mahawahan. Para sa kanila ang tunay na kayamanan ay yung hindi naipagbibili, hindi nawawala at nagagasta, hindi kinakalawang at nananakaw. Ang tunay na kayamanan ay ang Kaharian ng Langit at gagawain nila ang lahat makamit lamang ito.
© Copyright Pang Araw-araw 2025