Ebanghelyo: Mateo 17:22-27
Minsan nang maglakbay si Jesus sa Galilea kasama ang Labindalawa, sinabi niya sa kanila: “Ibibigay ang Anak ng Tao sa kamay ng mga tao. Papatayin nila siya ngunit babangon siya sa ikatlong araw.” Kaya lubha silang nalungkot. Nang makapasok na sila ng Capernaum, lumapit kay Pedro ang mga tagakolekta sa Templo at tinanong nila siya: “Nagbabayad ba ng buwis ang guro ninyo?” Sumagot siya: “Siyempre.” At pumasok si Pedro sa bahay ngunit agad siyang tinanong ni Jesus: “Ano sa palagay mo, Simon? Sino ang nagbabayad ng buwis o parangal sa mga hari ng mundo: ang mga anak ba o ang iba?” Sumagot si Pedro: “Ang iba.” At sinabi ni Jesus: “Kung gayon, di-saklaw ang mga anak. Ngunit hindi rin natin dapat saktan ang mga taong ito kaya pumunta ka sa dagat, maghagis ng bingwit at buksan ang bibig ng unang isdang iyong mahuhuli. May pera kang matatagpuan doon, kunin mo iyon at magbayad ka para sa iyo at sa akin din.”
Pagninilay
“Ang Diyos ng mga diyos.” “Tingnan mo! Kay Yaweng iyong Diyos ang langit at ang himpapawid, ang sangkalupaan at lahat ng narito… Dalisayin ninyo ang inyong mga puso at huwag maging matigas ang ulo kay Yawe sapagkat si Yaweng iyong Diyos ang Diyos ng mga diyos at Panginoon ng mga panginoon.” Kinilala ng Israel na si Yawe lamang ang Diyos na lumikha ng lahat. Ito ay ibang-iba sa mga Relihiyon ng mga pagano na kumikilala sa maraming diyos- diyusan. May diyos ng langit at diyos ng lupa, may diyos ng karagatan at diyos sa himpapawid. Kailangan nilang mag-alay ng mga sakripisyo sa ibat-ibang diyos na ito upang hindi sila maparusahan at mabigyan ng proteksyon. Hindi ganyan si Yawe, sa katunayan, siya ang
nagsakripisyo para sa atin nang isugo ang kanyang Bugtong na Anak upang sinumang manalig sa kanya ay hindi mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. Kapatid, nauunawaan mo ba ang pag-aalay na ginawa ni Jesus para sa iyo?
© Copyright Pang Araw-araw 2025





