Ebanghelyo: Mateo 19:3-12
At lumapit sa kanya ang ilang Pariseo na hangad siyang subukan, at tinanong nila siya: “Pinahihintulutan bang diborsiyuhin ng lalaki ang kanyang asawa sa anumang dahilan?” Sumagot si Jesus: “Hindi ba ninyo nabasa na sa simula’y ginawa sila ng Maykapal na lalaki at babae, at sinabi rin nitong iiwanan ng lalaki ang kanyang ama at ina, at pipisan sa kanyang asawa, at magiging iisang katawan ang dalawa? Kung gayo’y hindi na sila dalawa kundi iisang katawan lamang; kaya huwag paghiwalayin ng tao ang pinagbuklod ng Diyos.” At sinabi nila: “Kung gayon, bakit iniutos ni Moises na bigyan ang babae ng kasulatan ng diborsiyo bago siya paalisin?” Sinabi naman niya sa kanila: “Alam ni Moises na matigas ang inyong puso kaya pinayagan kayong diborsiyuhin ang inyong mga asawa, ngunit hindi ganito sa simula. At sinasabi ko naman sa inyo: kung may magpaalis sa kanyang asawa, maliban kung dahil sa pagtataksil, at saka magpakasal sa iba, nakiapid na siya.” Sinabi naman ng mga alagad: “Kung iyan ang itinatadhana para sa lalaking may-asawa, walang pakinabang sa pag-aasawa.” Sinabi ni Jesus sa kanila: “Hindi matatanggap ng lahat ang salitang ito, kundi ng mga pinagkalooban lamang nito. May ilang ipinanganak na hindi makapag-aasawa. May iba namang ipinakapon ng tao. At may iba ring tumalikod sa pag-aasawa alangalang sa kaharian ng Langit. Tanggapin ito ng puwedeng tumanggap.”
Pagninilay
Kalooban ng Diyos ang panghabang buhay na pagkakaisa at pagmamahalan ng magasawa, at modelo ng mga pamilya ang banal na mag-anak na masayang nabubuhay na may matatag na pagkakaisa. Kapag nagkakaroon ng mga matitinding alitan sa isang pamilya, nababawasan ang pagkakaisa’t pagmamahalan, at kadalasan naghihiwalay ang magasawa at ang buong pamilya. Nang maghiwalay ang mga magulang ng isang matalik kong kaibigan, nahirapan siya ng husto, pati ang kanyang mga kapatid. Natutunan ko noon na habang may panahon, kailangang itigil ang mga bagay na nakapagpapahiwalay. Sinabi ni Jesus na huwag paghiwalayin ng tao ang pinagbuklod ng Diyos, dahil alam niya na maghihirap ang buong pamilya sa bawat paghihiwalay. Baguhin natin kung anuman ang humahadlang sa pagkakaisa ng ating mga pamilya, at iwasan ang mga bagay o ugali na hindi maganda.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020