Ebanghelyo: Mateo 18:21—19:1
Nagtanong naman si Pedro: “Panginoon, gaano kadalas ko naman dapat patawarin ang mga pagkukulang ng aking kapatid? Pitong beses ba?” Sumagot si Jesus: “Hindi, hindi pitong beses kundi pitumpu’t pitong beses.
Tungkol sa kaharian ng Langit ang kasaysayang ito. Isang hari ang nagpasyang pagbayarin ng utang ang kanyang mga utusan. Nang simulan niyang suriin ang kuwenta, iniharap sa kanya ang isang may utang na sampung libong baretang ginto. Dahil walang maibayad sa kanya ang tao, iniutos ng panginoon na ipagbili at maging alipin siya kasama ng kanyang asawa, mga anak at mga ari-arian bilang bayadutang. At nagpatirapa sa paanan ng hari ang opisyal at sinabi: ‘Bigyan mo pa ako ng panahon, at babayaran kong lahat ang utang ko.’ Naawa sa kanya ang hari at hindi lamang siya pinalaya kundi kinansela pa ang kanyang utang. Pagkaalis ng opisyal na ito, nasalubong niya ang isa sa kanyang mga kasamahan na may utang namang sandaang barya sa kanya. Sinunggaban niya ito sa leeg at halos sakalin habang sumisigaw ng ‘Bayaran mo ang utang mo!’ Nagpatirapa sa paanan niya ang kanyang kasamahan at nagsabi: ‘Bigyan mo pa ako ng panahon, at babayaran kong lahat ang utang ko sa iyo.’ Ngunit tumanggi siya at ipinakulong ito hanggang makabayad ng utang.
Labis na nalungkot ang iba nilang kapwa-lingkod nang makita ang nangyari. Kaya pinuntahan nila ang kanilang panginoon at ibinalita ang buong pangyayari. Ipinatawag naman niya ang opisyal at sinabi: ‘Masamang utusan, pinatawad ko ang lahat ng iyong utang nang makiusap ka sa akin. Di ba dapat ay naawa ka rin sa iyong kasamahan gaya ng pagkaawa ko sa iyo?’ Galit na galit ang panginoon kaya ibinigay niya ang kanyang utusan sa mga tagapagpahirap hanggang mabayaran nito ang lahat ng utang.” dinagdag ni Jesus: “Ganito rin ang gagawin sa inyo ng aking Ama sa Langit kung hindi patatawarin ng bawat isa sa inyo mula sa puso ang kanyang kapatid.” Nang tapos na si Jesus sa mga aral na ito, umalis siya sa Galilea at pumunta sa probinsya ng Judea sa kabilang ibayo
ng Ilog Jordan.
Pagninilay
“Magpatawad ng magpatawad.” Sa baseball, mayroong rule na “three strikes and you are out”. Sa basketball, kapag amateur, five fouls lang at out ka na. Sa buhay espiritwal ng mga Kristiyano, walang “three strikes and you are out” at walang “five fouls and you are out”. Ang hinihingi sa atin ay magpatawad ng magpatawad dahil ganyan ang pakikitungo ng Diyos sa atin. Sa Banal na Sakramento ng Pakikipagkasundo, tayo ang dumaraan sa mga sumusunod na proseso: Una, ang “conscience examination” kung saan tumatahimik tayo at nagbabalik tanaw sa ating buhay at tinitingnan ang ating mga pagkakasala laban sa Diyos at sa ating kapwa. Pangalawa ay
“Contrition” kung saan nagsisisi tayo ng may pagpapakumbaba at ating inaaming nasaktan natin ang Diyos at gayun ang mga taong nakapaligid sa atin. Pangatlo ay ang “confession” kung saan lumalapit tayo sa isang pari upang ikumpisal ang ating mga nagawang kasalanan lalo’t higit yung mga mabibigat at seryoso. At panghuli ay ang “conversion” kung saan iiwasan
na ang masama at gagawin ang mabuti at kalugod-lugod sa Diyos. Kapatid, pinahahalagahan mo ba ang Sakramento ng Kumpisal at Pakikipagkasundo?
© Copyright Pang Araw-araw 2025