Ebanghelyo: Mateo 19:23-30
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Talagang sinasabi ko sa inyo: mahirap makapasok ang mayaman sa kaharian ng Langit. Oo, maniwala kayo, mas madali pa para sa kamelyo ang lumusot sa butas ng karayom kaysa pumasok ang isang mayaman sa kaharian ng Langit.” Nang marinig ito ng mga alagad, namangha sila at sinabing “Kung gayon, sino ang maliligtas?” Tinitigan sila ni Jesus at sumagot: “Imposible ito para sa tao; pero para sa Diyos, lahat ay posible.” Nagsalita si Pedro at sinabi: “Iniwan namin ang lahat para sumunod sa iyo: ano naman ang para sa amin?” Sumagot si Jesus: “Talagang sinasabi ko sa inyong mga sumunod sa akin: sa Araw ng Pagbabago, pag-upo ng Anak ng Tao sa kanyang trono nang buong luwalhati, uupo rin kayo sa labindalawang trono para maghari sa labindalawang tribu ng Israel. At ang mag-iwan ng mga tahanan, mga kapatid, ama at ina, mga anak o mga bukid alang-alang sa ngalan ko, tatanggap siya ng sandaang beses at makakamit ang buhay na walang hanggan. May mga una ngayon na mahuhuli at may mga huli naman na mauuna.”
Pagninilay
Simula pa noong seminarista ako, naging inspirasyon ko na ang ilang matatandang pari. “Gusto kong maging kagaya nila sa aking pagtanda.” Iyan ang iniisip ko tuwing makakikita ako ng isang matandang pari na kaakit-akit ang ugali at naging “ama” na ng marami sa pamamagitan ng isang ordinaryong buhay na inialay sa Panginoon. Pero madalas ko rin na iniisip: “ayokong maging gaya ng matandang paring ito, ang sungit niya!,’’ at pinag-aaralan ko kung anu-ano ang mga ugaling kailangan iwasan. Bilang batang pari, uulitin ko rin ang sinabi ni Pedro: ‘’Jesus, iniwan ko ang lahat para lang sumunod sa’yo.’’ Alam ko na kung hahanapin ko ngayon ang mapapala ng pagiging isang pari, mababawasan ang aking kayamanan sa langit. Gagantimpalaan ni Jesus ang bawat sakripisyong ginawa natin para sa kanya.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020